Sa tamang oras at lugar naman

ISINUSULONG ang isang ordinansa sa Davao kung saan gustong ilimita ang paggamit ng videoke at iba pang mga sound system mula 9:00 p.m. hanggang 6:00 a.m. Bunsod ito ng mga reklamo mula sa ilang mamamayan na hindi raw sila makapagpahinga nang maayos dahil sa patuloy na kanta, o ingay sa gabi hanggang madaling araw. Sana matuloy ang plano nila. Pero hindi lang sa Davao. Ang problemang ito ay lumalala sa buong bansa.

Sa totoo lang, may batas na “Nuisance Law” kung saan bawal ang mag-ingay simula 10:00 p.m. hanggang 6:00 a.m. sa Metro Manila. Ang mahirap ay hindi pinatutupad ng mga barangay, pati ng mga pulis ang batas na ito. Kadalasan ay mga kaibigan pa nga ng mga kapitan ng barangay o mga pulis ang mga mahihilig kumanta sa kalsada. Naaalala ko nga ang isang pamilyang nakatira sa isang gusali sa Katipunan na walang pakialam kahit gabing-gabi na ay napaka-lakas pa rin ng kanilang mga pinatutugtog, o pagkanta, habang umiinom. Ilang beses inirereklamo sa pulis ng mga kapitbahay ang kanilang pag-iingay, pero pupuntahan minsan at pagsasabihan lamang. Kapag nakaalis na ang mga pulis, maingay na naman sila. Sa madaling salita, walang pangil ang batas kaya hindi kinatatakutan.

Karapatan ng tao ang makapagpahinga. Kung bakit kailangang iparinig sa buong barangay ang boses o pinatutugtog ay hindi ko maintindihan. Panahon na para bigyan ng ngipin ang Nuisance Law. Kailangang tahimik na pagdating ng 10:00 p.m. Panahon na para respetuhin ang katahimikan na nais ng mga mag-aaral at empleyado. Kung nais kumanta o makinig ng musika buong gabi, gawin sa isang lugar kung saan hindi nakakaistorbo. Hindi lang sa Davao dapat gawin ito kundi sa buong bansa. Masyadong dumadami ang mga walang konsiderasyon sa bansang ito. Sana naman kumilos ang mga punong barangay, at mga pulis sa isyung ito. Kilalang magaling na mang-aawit ang Pilipino, pero dapat nasa tamang lugar at oras.

 

Show comments