NANG ihayag ng military noong Sabado na tinigilan na nila ang opensiba laban sa BangÂsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) makaraang makubkob ang kuta sa Maguindanao at wala na rin daw kakayahan ang mga ito, biglang nagpasabog ng bomba ang breakaway group noong Linggo sa gilid ng isang kalsada sa MaguinÂdanao. Ilang miyembro ng media at sibilyan ang nasugatan sa pagpapasabog. Noong Martes, muling nagpasabog ang mga rebeldeng BIFF at pinuntirya muli ang media at mga sibilyan. Mabuti at walang nasugatan o namatay sa panibagong pambobomba.
Masyadong naging kumpiyansa ang military at inakalang mahina na ang BIFF kaya itinigil ang opensiba. Malaking kamalian ang kanilang ginawa na hindi pa napipilay nang husto ang BIFF ay tinigilan na ang pagsalakay. Para bang nakakasiguro na sila na wala nang “lakas†o puwersa ang breakaway group at kayang-kaya nila. Nagkamali sila sa pagpapasya. Ang masyadong pagtitiwala at pagrerelaks ang nagiging dahilan kaya naluÂlusutan ng mga kaaway. Kung ang atas ni President Aquino ay durugin ang mga humahadlang sa usapang pangkapayapaan, ganun ang gawin. Tapusin ang nasimulan.
Isa pang nakapagtataka ay wala silang maÂiharap na mataas na pinuno ng BIFF. Kung talagang pilay o wala nang kakayahan, nasaan ang pinunong si Ameril Umra Kato at kanang kamay nito na si Muhaiden Animbang. Mayroon bang mahina na nakakapagpasabog ng bomba. Kasunod ng mga pagpapasabog, nagbanta ang BIFF na magkakaroon sila ng pagsalakay sa Metro Manila at iba pang malalaking lungsod. Kapag nangyari ito (huwag naman sana) ay ang military ang dapat sisihin. Dahil sa pagtigil nila sa opensiba, maaaring magawa ng mga rebelde na maghasik ng lagim sa Metro Manila.
Ang military na rin ang nagsabi na kakaunti lamang ang mga tauhan ni Kato kaya napipilitang mag-recruit ng mga menor-de-edad. Kung kakaÂunti, bakit hindi pa sila i-neutralize. Ang mga banta sa seguridad ng bansa ay hindi na dapat binibigyan pa ng pagkakataong dumami o makapag-recruit. Katulad din sila ng mga criminal na dapat lipulin.