Absuweltuhin daw dahil hindi na nanggagahasa?
ITINIGIL na ang DAP, kaya wala nang saysay ang mga petisyon laban dito. Ganyan dinepensahan ni Solicitor General Francis Jardeleza ang presidential pork barrel, o Disbursement Acceleration Program.
Hungkag ang argumentong ‘yon. Hindi na niya ginagahasa ang anak, kaya dapat iatras lahat ng kaso laban sa kanya.
Aba’y nu’ng Okt. lang, binulabog ng boss ni Jardeleza, si President Noynoy Aquino, ang primetime television para lang ipaliwanag ang kontrobersiyal na P149-bilyong ‘yon. Legal umanong kinalap nu’ng 2011-2012 ang perang hindi pa ginagasta ng mababagal na executive agencies sa gitna ng taon, at naipon ng masisipag na iba sa katapusan ng taon. Tapos, inilaan niya ito sa mga proyektong pangsikad sa ekonomiya, tulad ng pagsanay sa 90,000 kabataang manggagawa at pagmamapa ng mga bagyuhing lugar para maibsan ang sakuna.
Taliwas ang paniwala ng siyam na grupo ng petitioners. Tatlong paglabag sa Konstitusyon ang DAP, anila. Una, imbis na tuparin ang General Appropriations Acts ng Kongreso, itinigil ni Aquino ang ilang proyekto at nag-imbento pa ng iba. Ikalawa, ibinigay niya ang bahagi ng pondo sa mga sangay ng gobyerno -- Kongreso, Commission on Audit -- na labas sa saklaw niya. Ikatlo, itinago nila ang DAP sa publiko, at napa-balita lang nang ilantad ni Sen. Jinggoy Estrada.
Itinigil man o hindi ng Malacañang ang pagkalap at paggasta ng DAP, dapat pa rin itong hatulan ng Korte Suprema. Kung hindi’y uulitin pa ito ng kasalukuyan o mga kasunod na Panguluhan, sa pareho o ibang tawag. Nu’ng Nobyembre, sa katulad na isyu ng congressional pork barrel, o PDAF, sinabi rin ng Malacañang na wala na ito, kaya wala na ring saysay ang mga kumokontrang petisyon. Ganunpaman, humatol pa rin ang Korte, sa boto na 14-0, na ilegal ito.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest