Taiwan noon, Hong Kong naman ngayon

KUMILOS na ang Hong Kong. Ilang buwan na puro banta na magsasampa sila ng mga parusa sa Pilipinas para sa palpak ng pagligtas sa mga hinostage ni Rolando Mendoza sa Quirino Grandstand noong Agosto ng 2010, itinuloy na nila ngayon. Simula Pebrero 5 nitong taon, kailangan nang kumuha ng visa ang mga opisyal ng gobyerno kung nais nilang magtungo sa Hong Kong. Hindi apektado ang ordinaryong mamamayan o turista sa bagong patakaran na ito. Sa ngayon. Ito ang kanilang pagpapakita ng dismaya sa gobyerno at hanggang ngayon ay hindi pa opisyal na humihingi ng tawad para sa naganap na insidente kung saan pitong taga-Hong Kong ang namatay. Nauna ang Taiwan sa pagpataw ng parusa sa atin, Hong Kong naman ngayon. mabuti at naayos na sa Taiwan.

Mabuti at hindi apektado ang ordinaryong mamamayan. Marami sa ating mga kabababayan ang nagtatrabaho sa Hong Kong, at napakarami ang pumupunta bilang turista. Hindi rin siguro nila maipataw ang parusa sa ordinaryong mamamayan at mababawasan ang turismo nila. Turistang nagpapasok ng pera sa kanila. Pero na-ngangamba na ang libo-libong Pilipinong OFW na nasa Hong Kong ngayon. Hindi pa alam kung hanggang dito lang ang parusa nila, o kung aabot rin sa kanila, pati na rin sa mga turista ang kinakailangang visa.

Malungkot at umabot na sa ganito. Ang nakakainis ay nagkaintindihan na ang gobyerno at ang nakaraang adminsitrasyon ng Hong Kong hinggil sa insidente. Ayon sa mga eksperto, may kulay pulitika ang kilos na ito at hindi na raw maganda ang papel ng kasalukuyang administrasyon sa mamamayan. Kaya nagpakitang gilas, ika nga, sa ganitong pamamaraan. Ang katayuan naman ng admimistrasyong Aquino ay pareho pa rin – walang opisyal na paghingi ng tawad para sa insidente. Nagawa na ang pwedeng magawa, inalay na rin ang nararapat na danyos. Kung ano pa ang hinihingi ng Hong Kong ay tila pahamak na lang sa bansa. Hindi ako magtataka kung may kinalaman na rin ang kasalukuyang alitan sa China hinggil sa teritoryo. Tandaan na bahagi na ng China ang Hong Kong.

Kailangan nang tingnan ang isyung ito sa bagong pananaw. Kung malalagay sa alanganin ang mamamayang Pilipino, lalo na ang mga OFW, dapat kumilos ang bansa para hindi mangyari.

Show comments