‘Dikit kay bossing, todas’ (Huling bahagi)

“TOTOO PO IYON, ipinagkatiwala po nila sa  akin ang motor na ito upang magamit ko sa paghahanap ng murang side car  na second hand para maikabit nasabing motor…” laman pa ng salay ni Romnick.

Sa pagpapatuloy ng aming pitak tungkol sa sinapit ng 22 anyos na si Engr. Ray Londel Capati o “Gitcho”, ilang ulit na pinagbabaril lulan ng kanyang kotse habang binabaybay ang Nat’l Road cor. Feria St. Brgy. Ilwas, Subic, Zambales.

Nagsumite ng Kontra-Salaysay si Romnick Rolls, ang huli raw gumamit ng motor na naiwan ng ‘riding-in-tandem’ na bumaril kay Gitcho.

Tatlong tao ang tumestigo kay Romnick para patotohanang wala raw siyang kinalaman sa krimen. Isa na rito ang may-ari ng motor na si Zenaida Navarro.

Ayon sa kanya, ika-18 ng Setyembre 2013, 8:00 ng umaga dumating ang mga pulis sa kanyang bahay upang berepikahin kung sa kanila ang Black Honda Bravo, may plakang 8186 RG. Pinaalam sa kanyang sangkot ito sa naganap na krimen sa Subic, nung ika-17 ng Setyembre.

Pinagamit daw nila ito kay Romnick para sa paghahanap ng side car na segunda mano. Setyembre 16, 2013 na kay Romnick na ito.“Dahil nga mekaniko siya at alam namin mabuti siyang tao…di kami nag-atubili na ito’y kanyang gamitin.” ­–ayon sa  salaysay.

Wala raw silang alam sa nangyari kung ‘di pa raw sinabi ng pulis. Nang magkausap daw sila ni Romnick nagulat daw ito dahil ang alam niya ang motor ay nandun sa talyer kung saan daw niya ito iniwan.

Sa pagpapatuloy ng naging depensa nitong si Romnick batay sa isinumite niyang Kontra-Salaysay, Ika-17 ng Setyembre araw kung kelan binagbabaril si Gitcho, pinatawag daw siya ni Ka Glen Garganta na mag-‘service’ sa kanyang bahay dahil nasira ang kanyang sasakyan.

Dumaan siya sa talyer para kumuha ng ‘tools’ gamit ang motor. Mabigat at may kalakihan raw ang ‘toolbox’ kaya’t iniwan niya ang motor, traysikel ang kanyang dinala (ito daw ang traysikel na dala-dala niya ng makita ng mga pulis).

Iniwan lang daw niya ang motor sa tabi ng talyer sa pag-aaakalang makakabalik siya agad. “Sa aking pagmamadali, marahil nakalimutan ko na ring maibilin sa mga naiwan sa talyer.” Hindi raw siya nakabalik agad.

Bago magsara ang talyer, nakagawian na nilang ipinapasok sa loob lahat ng sasakayang naiwan sa labas kaya panatag daw siyang iwan ang motor dun.

“Una, nahihiya ako dahil sa’king kapabayaan… at pagkakadamay sa krimeng di ko naman ginawa. Dagdag alalahanin ko pa kung paano ko mababayaran sa sandaling singilin ako ng may-ari ukol dito,”-ayon sa salaysay.

Nang malaman daw niyang ang motor ang ginamit sa pagpatay, natakot daw siya subalit alam niyang inosente daw siya kaya’t dumulog siya sa pulisya.

Inaamin niyang naging pabaya siya subalit giit ni Romnick ‘di daw siya ang bumaril. Wala raw siyang koneksyon at kinalaman sa pagkatao ni Gitcho.

Nagkaroon ng pagdinig ng kasong MURDER na isinampa laban kay Romnick Rolls, John Doe (Former Casa Mia 2 Contractor) at isa Peter Doe sa Prosecutor’s Office, Olongapo City. Ika- 4 ng Oktubre 2013 naglabas ng resolusyon si Asst. Prov. Pros. Joy P. Bayona.

Nakitaan ng ‘probable cause’ ng taga-usig para isampa ang kasong “Murder” sa korte dahil sa mga sususunod:

Sa pagpunta ng pulis sa talyer na nalaman ng mga pulis na pagmamay-ari ng pinsan ni Romnick na si Jimboy Rolls, kung saan iniwan umano ng akusado ang motor nung Ika-17 ng Setyembre nalaman nilang ‘stay-in’ ito dun subalit ‘di siya nag-report sa nasabing petsa hanggang kinabukasan. Wala rin sa kanilang nag-‘report’ sa pulisya tungkol sa nawawalang motor.

Nagpa-blotter nga itong si Romnick sa brgy. subalit walang nakasaad kung kelan nawala ang motor at ni-report ito. Wala ring sinumiteng Affidavit of Loss. ‘Di man lang ito itinimbre sa Highway Patrol Group (HPG) kaya lumalabas na ang umano’y pagkawala ay maaaring ‘self serving’ lang.

Pinagtaka rin nila kung paano nito nalaman na nawawala ang motor na mas maaga pa nung ika-18 ng Setyembre matapos mangyari ang krimen.

Ang dahilan din ni Romnick na siya’y nagmekaniko sa dalawang magkaibang lugar ng araw na iyon ay ‘di nagpapatunay na imposible siyang makarating sa lugar ng pinangyarihan sa parehong pagkakataon dahil sa distansya at lapit ng mga nasabing lugar. Nagpapatunay lang na ang lahat ng ito ay isang ‘alibi’. Ang mga ‘circumstantial evidence’ na nalikom ng mga pulis ay nagtatagmi-tagmi para masabing itong si Romnick ay may kinalaman sa krimen.

Nakita lahat ng elemento ng Murder sa kasong ito at nakitaan ng ‘pro­bable cause’ ng taga-usig ang kaso laban kina Rominick Rolls at dalawang ‘di pa napapangalangang akusado.

Tinukoy din ng prosecutor ang naka-‘save’ na mensahe sa ‘text’ nitong si Gitcho, nakitang masaya siya sa ibinigay na trabaho ng Casa Mia 2 sa kanya subalit nag-aalala sa ilang dating isyu sa pinalitan niyang kontraktor.

Sa  ngayon nakakulong pa rin itong si Romnick sa Olangapo City Jail.

Nobyembre 20, 2013, nagpasa ng Karagdagang Sinumpaang Salaysay ang ama ni Gitcho na si Reynaldo “Rey” Go. Kung saan pinangalanan niya ang isang Peter Doe na dating contractor ng Casa Mia 2 na si Willy Martin Alegria.

Ibinigay daw mismo ng mag-asawang developer na sina Rene Luis Godinez at Ana Maria Shemayne Godinez ang pangalan ng nasabing contractor. 

Sa mga  palitan ng text messages ayon sa salaysay ni Rey, si Willy lang umano ang huling nakaalitan ng kanyang anak bago pa siya pagbabarilin.

“ ‘Di naman alam ng anak kong baka may natapakan na siya. Walang ibang gusto ang anak ko kundi ang umasenso pero ang nangyari parang nasentensyahan siya ng walang paglilitis,” wika ng ama.

Itinampok namin si Rey sa CALVENTO FILES sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ 882 KH (Lunes-Biyernes 3-4:00PM/ Sabado 11:00-12:00NN)

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pinaalalahan namin si Rey na ang pagpapangalan niya sa isa pang akusado ay ‘hearsay’ lamang at walang ‘legal leg’ para tumayo ito. Kami ay nakikiisa sa kahilingan ni Rey na maitampok sa aming pitak ang sinapit ni Gitcho, makakatulong ito sa paglutas ng kaso at baka may lumutang na may impormasyon sa krimeng ito.

Mahirap isiping ang isang edad 22 ng binata, kakapasa lang bilang licensed Engr., nangangarap na magkaroon ng magandang pangalan at matawag na magtagumpay, ang magiging mitsa ng kanyang buhay. Buo paniniwala ng pamilya ni Gitcho na may kinalaman daw sa trabaho ang pagpatay sa anak dahil wala raw silang kilala o alam na nakaaway nito maliban sa naging problema umano nito sa trabaho. SA MGA GUSTONG MAGBIGAY ng impormasyon at sa nakakaalam kung sino ang nasa likod ng pagpatay kay Engr. Ray Londel “Gitcho” Capati makipag-ugnayan lamang sa mga numero sa ibaba. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  O tumawag sa 6387285 / 7104038.

 

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

 

 

Show comments