Girlfriend ng Taipan sinugod ni Misis

ALAM n’yo bang matulis pala ang matanda at super-yaman na Tsinoy businessman?

 Ayon sa aking bubwit, happy birthday muna kay Justice Joseph Lopez ng Court of Appeals, Cecille Tuico, Bong Cepeda ng MBC-Sales, Gen. Boysie Rosales, Jun Cueto at Mr. Val Rosales ng DFA.

 Alam n’yo bang kahit may edad na ay mahilig pa rin ang mayamang Tsinoy businessman sa batambatang chiching. Ang chiching ni Businessman ay isang model na daisy nuebe anyos. 

 Nakilala ni Businessman ang chiching nang maging model sa isa nilang produkto para sa kalendaryo. Mula noon, hindi na tinantanan ni Businessman ang chiching hanggang maging siyota ito. At ang kapalit, pinatira niya ito sa isang condo unit, binibigyan nang malaking sustento at madalas silang mag-abroad.

 Ayon sa aking bubwit, tumagal nang mahigit tatlong taon ang illicit love affair ni Mr. Businessman at chiching bago nabisto ni Misis. Matindi rin pala ang intelligence ni Misis dahil natunton kung saan nakatira ang chiching. Sinugod niya ito at nag-eskandalo subalit hanggang pintuan lang siya ng condo dahil hindi nagbukas ng pintuan ang chiching. Mantakin n’yo, tumagal si Misis ng dalawang oras sa pagkalampag sa pintuan pero nang hindi lumabas ang chiching, kusa ring umalis ang misis ni Mr. Businessman.

 Mula noon, hiniwalayan na ni Mr. Businessman ang chiching pero binigyan ng house and lot at ipinagpatayo ng beauty parlor. Ang malungkot, hindi marunong magnegosyo ang chiching kaya nalugi ang parlor. 

 Dahil wala nang pera at alimony mula kay Businessman, nagtrabaho na lang siya sa abroad. Umalis siya noong nakaraang linggo at nag-Japayuki. Ang chiching ay itatago ko sa pangalang Kristel at ang Taipan businessman ay si Mr. G. as in Gregorio.

Show comments