Tagumpay

NILAGDAAN na ng gobyerno at MILF ang hu-ling dokumento na bahagi ng pangmatagalang kapayapaan. Matapos ang ilang buwang talaka-yan kung saan nagkaroon pa ng mga hadlang, matagumpay na nagkasundo sa tinatawag na “normalization annex”, na sa ilang pagkakataon ay naging masalimuot dahil kasama sa kasunduan ang pagbuwag ng armadong sangay ng MILF. Ayon sa kasunduan, kailangan nilang ilapag ang armas. Marami ang nagkasundo na ito ang magiging mahirap na bahagi ng panguna-hing kasunduan dahil lumalabas na tinatanggalan na ng pangil ang MILF.

Marami ang natuwa sa mga pangyayaring naganap sa lumipas na 15 buwan. Matamis ang tagumpay dahil pinaghirapan ng dalawang panig ang kasunduan na matatanggap ng lahat. Sigurado ako, pinaka-masaya ay ang mga taga-Mindanao. Makakamit na ang kapayapaan at kaunlaran na napakatagal nang naging mailap sa kanilang rehiyon.

Hindi pa tapos ang paglalakbay. Mga kasun­duan pa lang ito. Ang pagpapatupad ang kailangang magawa. May kasabihan nga na mas mahirap magpatupad ng kapayapaan kaysa sa mandigma. Pero kampante naman ang dalawang panig na mangyayari ito. Pinaghirapan na, kaya dapat maipatupad.

Pero kung marami ang natutuwa sa pangya­yari, mayroon ding hindi, tulad ng MNLF-Misuari at BIFF. Ang BIFF ang tumiwalag sa MILF nang unang magkalagdaan ang MILF at gobyerno. Ayon sa kanila, ipagpapatuloy pa rin daw nila ang paglaban para sa independiyenteng bansa ng mga Muslim. Ang MNLF-Misuari naman ay nagpapapansin gaya ng kanilang ginawa sa Zamboanga noong nakaraang taon. Hindi raw sila manggugulo, pero sinasabing marami sa MILF ang sasali sa kanilang hanay sa katagalan dahil wala raw mangyayari sa kasunduan. Kung hindi pala manggugulo, bakit ayaw na lang makisama? Ganunman, kailangang bigyang-pansin ang babala nila sa gobyerno. Tulad ng ginawa sa Zamboanga na binigla na lang ang lahat. Kung may hadlang pa sa pangmatagalang kapayapaan, sila na ito.

Show comments