EDITORYAL - Lumalala ang krimen dahil sa illegal drugs
MARAMI nang pag-aaral na ang pagkasugapa sa bawal na droga ang ugat ng malalagim na krimen. Lahat nang mga nangyayaring krimen ngayon ay nagawa dahil gumamit ng illegal drugs. Karaniwang shabu ang ginagamit ngayon at umano’y nagtulak sa dami dahil nakapasok na ang foreign drug syndicate.
Noong Biyernes, isang batang babae ang ginahasa at pinatay sa Naic, Cavite. Karumal-dumal ang ginawa sa bata sapagkat pinalo pa sa ulo. Ayon sa mga pulis, nasa impluwensiya ng illegal na droga ang salarin. Noong nakaraang Linggo, isang batang babae ang natagpuan sa madamong bahagi ng Plaza Dilao sa Paco, Manila. Ginahasa rin ang bata saka pinatay. Naaresto na ang criminal at inamin na nakadroga siya kaya nagawa ang krimen. Iniharap kay Manila Mayor Joseph Estrada ang rapist at nasabi nito na dapat bitayin ang rapist ng bata.
Nakababahala na ang nangyayaring sunud-sunod na krimen dahil sa pagkasugapa sa shabu. Manhid na ang utak ng mga drug user kaya gagawin ang lahat --- magnakaw, manggahasa, mangholdap at kapag pumalag, papatayin ang biktima.
Talamak na ang pagkalat ng illegal na droga sa bansa. Hindi lamang sa Metro Manila nag-ooperate ang sindikato ng illegal drugs kundi maging sa probinsiya man. Kahit ang mga kabataan na nasa liblib na lugar ay ginagawa na ring halimaw dahil sa pagkalat ng illegal na droga. Ang mga traysikel at pedicab drayber ay madali nang makabili ng shabu. Parang kendi na mabibili sa tindahan.
Ang seryosong paglaban ng PDEA at iba pang drug enforcement agencies ang kailangan. Total war na laban sa drug syndicates. Lipulin sila bago pa tuluyang maging sugapa ang mga kabataan at lumikha nang mga karumal-dumal na krimen. Iligtas ang bansa sa mapangwasak na shabu.
- Latest