NANANAGINIP si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Carmelo Valmoria nang sabihin niyang bumaba ng 50 percent ang kriminalidad sa Metro Manila. Ewan ko lang kung mapapaniwala niya si Pres. Noynoy Aquino at PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima. Kaliwa’t kanan ang pananalakay ng riding-in-tandem at laganap ang droga sa Metro Manila na kinasasangkutan ng international drugs syndicate, subalit mukhang bulag at bingi si Valmoria sa mga nangyayari.
Noong Linggo, natagpuan ang bangkay ng 6-na taong gulang na babae sa madamong lugar sa Plaza Dilao, Paco, Manila. Matapos gahasain ay sinakal at pinalo pa ng matigas na bagay ang paslit na ikinamatay nito. Mabilis namang nalutas ang kaso dahil makalipas ang magdamag na “Oplan Pink Angel†na inilunsad ni PandaÂcan police chief Supt. Alfredo Opriasa ay nalambat ang pedicab driver na si Mark Avila. Pero tinago muna ito sa media nang mahigit 20 oras dahil gusto ni Opriasa ay maipresenta muna ang suspect kay dating President at ngayo’y Manila Mayor Erap Estrada. Maging si Erap ay natigilan nang walang kagatul-gatol na aminin ni Avila na ginahasa niya ang bata dahil nakainom siya ng alak at nakapag-shabu. Nang muling bumuka ang bibig ni Erap ay nasabi nito na bitayin este ibalik ang parusang bitay.
Isa lamang iyan sa malalaking kaso na dulot nang paglaganap ng droga sa Metro Manila, General Valmoria. Mukhang nakaligtaan mo, General Valmoria ang pagsa-lakay ng mga holdaper sa mga pampasaherong bus sa EDSA. Paano nga mga suki, ang estilo ng mga police car patroller ni QCPD chief Chief Supt. Richard Albano sa lungsod ni “Bistik†naka-deployed naman ang sangkaterbang mobile patrol car sa mga kalye subalit karamihan sa mga ito ay natutulog o kaya’y abala sa pangongotong. General Valmoria mag-inat-inat ka ng iyong katawan at maglibot gamit ang hindi marked vehicles at nasisiguro ko na may mahuhuli ka sa akto. Isama mo na rin ang mga nagmu-moon lighting ng ilang off duty mong pulis na nag-aabang ng mga motoristang makukotongan sa mga madilim na lugar.
Ngayon, General Valmoria paano mo nasasabing bumababa na nga ang kriminalidad sa Metro Manila kung ang mga pulis sa kalye ay tutulog-tulog sa pansitan at nangungotong sa motorista ang inaatupag. Gumising ka, General Valmoria. Imulat mo ang iyong mga mata sa katotohanan na sa ngayon ang kailangan ng mamamayan sa Metro Manila ay ang presensiya ng mga pulis sa kalye. Salakayin ninyo ang mga pinagkukutaan ng mga drug pusher at riding-in- tandem para mapaniwala ang mamamayan na mayroon kayong kakayahan na maibaba ang kriminalidad sa inyong nasasakupan. Abangan!