Gumagapang na sina Binay, Cayetano at Roxas

MALAYO pa ang 2016 elections pero gumagapang na ang kampo nina Vice Pres. Jejomar Binay, DILG sec. Mar Roxas  at Sen. Allan Peter Cayetano sa mga bara-ngay chairman, hehehe! Lumalabas na sina Binay, Ro-xas at Cayetano ang nag-showdown sa “proxy war” nila sa Liga ng mga Barangay National Convention noong Enero 16. Ayon sa mga nakausap ko sa Pandacan noong Linggo sa kapistahan ng Sto Niño, gitgitan ang labanan nina Edmund Abesamis, pangulo ng Association of Barangay Councils (ABC) ng Nueva Ecija na common candidate nina Binay, Roxas at Yasser Pangandaman, ABC president ng Taguig City na suportado naman ni Cayetano. Sa score na 65-44, nanaig si Abesamis kay Pangandaman. Ngunit para sa mga matalas sa pulitika, ang 60% boto ni Abesamis at 40% ni Pangandaman ay maituturing batayan na may totoong kakayahan si Ca-yetano na magtaguyod ng sariling makinarya at pondohan ito laban sa mga bigatin na sina Roxas at Binay.

Dahil naging gitgitan ang laban nina Abesamis at Pangandaman, nagpamalas si Cayetano ng kakaya-hang lumaban sa mga dambuhalang pulitiko. Marami sa barangay captains ang hindi sumunod sa itinakda ng kanilang mga bosing mula sa Liberal Party (LP), Uni-ted Nationalist Alliance (UNA), at maging sa Nationalist Peoples Coalition (NPC) at nanindigan kay Cayetano at Pangandaman. Tiyak na pag-iisipan ng LP, UNA, at NPC kung papaano nangyari ang di pagsunod ng kanilang mga kapitan at iba pang local government officials at congressmen. Suportado umano ni Binay si Abesamis dahil sa dalawang bagay.  Una, tinitingnan ni Binay na matinding kalaban si Cayetano sa pagka-presidente at hindi nito papayagang maging balwarte ng senador ang mga barangay. At ang pinaka-matinding dahilan ay ang pagpupumilit ng Makati City na maagaw ang Bonifacio Global City. 

 

Kaya kung ang nangyaring paligsahan sa Liga ng mga Barangay ang pagbabasehan, may alyansa sa pulitika sa 2016 presidential elections. Tatlo na ang may malinaw na makinarya. Lumalabas na kahit “third force” si Cayetano, kinakatatakutan na nina Binay at Roxas. Abangan!

Show comments