Maysakit ang aking mutyang nililiyag
Kaya ang puso ko’y lubhang naghihirap;
Pati ang diwa ko’y hindi makalipad
Doon sa parnaso ng mga pangarap!
Puso n’ya’t puso ko noo’y pinag-isa
Sa lumang simbahan ng bayan kong sinta;
Siya’y inspirasyong kadluan ng saya
Sa maraming pook na aming nakita!
Habang umuusad lakad ng panahon
Sakit ng puso n’ya umuulit ngayon;
Ang sabi ng doktor dapat operasyon
Di kami pumayag di niya kaya ‘yun!
Salamat sa aking anak na panganay
At tatlo pang bunso na nakaalalay;
Ang buhay ni Mahal ay nadurugtungan
Tanging ayuda ko’y pagluha at dasal!