Blotter-based reporting

TUMAAS ang bilang ng krimen sa bansa ayon sa huling datos ng mga awtoridad. Isa sa may malaking kontribusyon ay ang street crimes. Kung titingnan, maliliit lang itong krimen subalit ito ang nagpapalaki sa crime index.

Dalawang bagay ang ikinukunsidera ng Philippine National Police kung bakit tumaas ang kriminalidad noong 2013. Una, dahil sa bagong blotter reporting system kung saan isinasama na ang mga naitala sa barangay. Pangalawa, tumaas ang krimen dahil “mas” nagtitiwala na umano ang publiko sa PNP ngayon.

Noon daw kasing 2009 at 2012, hindi lahat ng krimen ay naisusulat sa mga blotter book kaya hindi na nakapagtataka kung bakit biglang-taas ang bilang ng krimen. Sa pagsisimula ng 2014, nag-utos si PNP Chief Dir. Gen. Alan Purisima na gusto niyang makita na maraming kriminal ang mahuli. Kasunod nito, bagamat walang ibinigay na datos, sinabi ni NCRPO Chief Carmelo Valmoria na ibababa nila sa 50% ang street crimes sa Metro Manila bago mag-2015.

Nitong mga nakaraang araw, inanunsyo rin ng PNP na magpoposte sila ng mga security guard sa Camp Crame. Sa halip daw kasi na mabagoong ang mga pulis sa kampo, dapat ilatag sila sa mga bisinidad upang ma­hadlangan ang krimen. Kumpyansa ang PNP na ma­papababa ang kriminalidad ngayong taon. Subalit, magiging epektibo lamang ang crime prevention at police visibility kung may kagamitan ang ahensya. Lagi ko itong sinasabi, pero manhid ang ilang namumuno sa gobyerno.

Walang central communication system ang Pilipinas. Ang mga patrol car na dapat nagroronda sa mga lansa-ngan, kulang. Problema rin ang pagkukuhanan ng pondo para sa gasolina. Kulang din ang mga 2-way radio na magbabato ng mga ulat kaya madalas, ang responde, laging huli. Kung gustong mapababa ang krimen, ikalat ang mga pulis sa lansangan.

Hindi naman sa ginagawang katatawan ang  PNP dito. Ang punto ng BITAG ay punahin ang kahinaan para ito naman ang mapagtuunan ng pansin ng mga namumuno. Masakit na katotohanan, marami pa rin ang kumukuwestiyon sa integridad ng mga pulis. Hangga’t hindi naibabalik ang tiwala ng taumbayan, hindi mareresolba ang mga krimen.

 

Show comments