EDITORYAL - Tumayo sa sariling mga paa
MABAGAL ang paggawa sa bunkhouses ng gobyerno sa Tacloban City, Leyte at Eastern Samar. Hanggang ngayon ay hindi pa natatapos ang bunkhouses kaya nananatili pa rin sa evacuation center ang mga biktima ng Yolanda. Mahigit isang buwan na mula nang manalasa ang bagyo. Binatikos ang bunkhouses dahil hindi raw sumunod ang contractor sa government specifications. Masyadong maliit, manipis ang bubong at ganundin ang dingding at nakasayad sa lupa. Sabi ni DPWH Sec. Rogelio Singson, hindi overpriced ang bunkhouses, nagkamali raw siguro ang contractor kaya ganoon ang bunkhouses. Nagbanta si Singson na magbibitiw sa puwesto kapag napatuna-yang overpriced ang bunkhouses. Minamadali na raw ang paggawa ng bunkhouses.
Marami ang naghihintay sa mga ipinagagawang bunkhouses. Karamihan ay mga taga-Tacloban at Eastern Samar na grabeng tinamaaan ng bagyo. Sabi ng mga biktima, wala silang ibang mapupuntahan. Wala naman daw silang maipagpapagawa ng matitirahan dahil wala silang pera. Natangay na raw lahat ang kanilang ari-arian. Hindi raw nila alam kung paano magsisimula at paano babangon.
Pero kung ang iba ay pawang negatibo ang tingin at sa palagay ay mahirap makabangon sa nangyari sa kanila, meron din namang positibo ang pananaw. Halimbawa ay ang mga tao sa isang barangay sa Dulag, Leyte na hindi umaasa sa pamahalaan para makapagtayo ng tirahan. Sa halip na magmukmok at umasa sa limos ng pamahalaan, sila na mismo ang nagtayo ng bahay. Mismong sa nawasak nilang bahay sila nagtayo ng panibagong tahanan. Sabi ng isang lider sa lugar, kung hihintayin daw nila ang tulong ng gobyerno ay walang mangyayari sa kanila. Tatayo raw sila sa sariling mga paa. Hangga’t makakaya nila ay hindi sila manghihingi ng limos sa gobyerno. Wala raw tutulong sa kanila kundi ang sarili.
Dapat gayahin ang pananaw ng mga taong ito na may paninindigan. Hindi talaga dapat umasa sa pamahalaan. Hindi dapat manghingi ng limos at bagkus gumawa ng paraan. Ipakitang kaya nilang tumayo sa sariling mga paa.
- Latest