MARAMING tumatawid sa kalsada kahit pinagbabawal. Kadalasan, may harang na para hindi makatawid, pero pinipilit pa ring makatawid kahit peligroso ang lugar. Isang halimbawa ay ang C5 road sa Taguig. Mataas na bakod na nga ang inilagay sa island. Pero may tumatawid pa rin dahil sinira ang bakod at gumawa ng butas para makadaan ang tao. May pedestrian overpass naman na malapit, pero para sa mga tumatawid, walang silbi ito sa kanila at pipiliting makatawid sa kalsada. Marami na ang namatay sa C5, dahil tumawid nang wala sa lugar. Pero hindi pa rin ito nagsisilbing babala sa marami at may mga pilit tumatawid pa rin. Marami rin ang hindi sumusunod sa mga ilaw sa mga tawiran, at tatawid kapag sa tingin nila ay wala namang sasakyan.
Kailangan nang kumilos ang MMDA sa problemang ito. Laganap ang mga tumatawid kung saan-saan, lalo na sa mga magugulong intersection. Kapag nasagasaÂan, kasalanan ng drayber. Dapat bang pag-aralan ang batas na ito hinggil sa mga tumatawid nang wala sa tamang lugar? Kailangang higpitan na ng MMDA ang pagpapatupad ng Anti-Jaywalking Law. Natatandaan ko noong araw sa Maynila, hinuhuli at kinukulong ng ilang oras ang mga lumalabag sa batas na ito. Alam ko naging epektibo, pero binatikos dahil labag daw sa karapatang pantao. Maaari, pero panahon na para maging mahigpit. Hindi lang buhay ng mga nasasagasaan ang nasisira kundi pati na rin drayber.
Maraming drayber ang hindi disiplinado, lalo ang mga naka-motorsiklo, dadagdagan pa ng mga tumatawid nang wala sa tamang lugar. Ilang insidente nang matinÂding away sa kalye dahil nagkagirian, minsan nauuwi sa barilan at saksakan. Baka mataon na mga tumatawid naman ang pagbuntunan ng matinding galit na mauwi sa hindi maganda. Dapat nang itanim ang disiplina sa lahat ng mamamayan. Walang saysay ang magandang ekonomiya kung hindi rin tayo disiplinado sa maliliit na bagay. Simulan na sa pagsunod sa mga batas hinggil sa tamang pagtawid ng kalsada. Kapag may pedestrian overpass, gamitin. Sundin ang mga ilaw sa tawiran. Kung ayaw sumunod, hulihin. Kung pasaway, ikulong na rin kahit ilang oras. Baka iyan ang kailangang gawin para magkaroon ng disiplina.