Mayor Arsenio Lacson
KAMAKAILAN, pinangunahan ni Manila Mayor Erap Estrada ang inagurasyon ng kinumpuning estatwa ng isa sa pinaka-popular na mayor ng lungsod na si Arsenio Lacson. Si Lacson, dating atleta, abogado at mamamahayag, ang kauna-unahang mayor ng lungsod na nagsilbi ng tatlong termino (1952-1962).
Matatandaang pinuna ni Erap ang naging pagpapabaya ng dating administrasyon ng pamahalaang lungsod sa naturang estatwa at nagresulta sa pagkasira nito. Ang restored statue ay inilipat at inaalagaan ngayon sa promenade sa harap ng Rajah Sulayman plaza sa Ro-xas Boulevard.
Sinabi ni Erap na malaki ang pagkakatulad ng kanyang panunungkulan kay Lacson dahil pareho silang nagmana sa mga pinalitan nilang administrasyon nang napaka-lalaking problema tulad ng pagkabaon sa utang, talamak na krimen, matamlay na ekonomiya at iba pa.
Pagkatapos lang ng ilang taon sa ilalim ng liderato ni Lacson ay nakabangon ang lunsod. Napasigla nito ang kalakalan, nakabayad ng mga utang, nagkaroon ng sobrang pondo, napababa ang krimen at nakapagpatupad ng disiplina. Sa panunungkulan din niya itinayo ang mga sumusunod: Manila Zoo (1959), kauna-unahang zoo sa Asya; Ospital ng Maynila (1960), kauna-unahang city public hospital; Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, kauna-unahang tuition-free university; at Lacson underpass sa Quiapo, kauna-unahang underpass sa bansa.
Ayon kay Erap, positibo ang kanyang pananaw na tulad ng naging tagumpay ni Lacson noon, maitataguyod din niya ngayon ang pagbangon ng Maynila sa mga naging problema at maibabalik ang dating kinang ng lungsod. Dagdag niya, “May we be inspired by Mayor Lacson – re-cognized as the ‘best mayor Manila ever had,’ and together bring back the sparkle of the pearl of the orient and see a renaissance of the golden age of our beloved Manila.â€
Lubos na nagpasalamat si Erap at kanyang pamilya sa mga kaanak ni Lacson sa pangunguna ng anak nito na si Millie Lacson-Lapira.
- Latest