EDITORYAL - Setyembre o Hunyo?

MAINIT na isyu ngayon ang paglilipat ng school opening. Balak umanong ilipat na sa Set-yembre ang pasukan sa halip na Hunyo. Apat na malalaking unibersidad ang pabor na Setyembre ang pasukan: UP, Ateneo, UST at De La Salle. Ayon sa pamahalaan, pinag-aaralan nila ang ba­gong school calendar. Bahala raw ang Kongreso na magdesisyon ukol dito pero open sila sa plano. Ang paglilipat ng school opening ay preparasyon umano sa integration ng ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) na magsisimula sa 2015.

Ang Pilipinas at Thailand na lamang ang mga bansa sa Asia na nagbubukas ang klase kung Hunyo at natatapos ng Marso. Balak na rin daw ng Thailand na baguhin ang pagbubukas nila ng klase. Kapag natuloy ang balak, magiging Set-yembre hanggang Hunyo ang school calendar sa halip na Hunyo hanggang Marso.

Nang lumutang ang planong ito noon, ang unang dahilan ay para raw makaiwas sa matinding tag-ulan at bagyo ang mga estudyante. Tag-ulan ang Hunyo na tumatagal hanggang Agosto. Buma­baha sa maraming lugar particular sa Metro Manila. Pero ngayon ay walang nababanggit na lagay ng panahon kaya ililipat ang school opening. Ang dahilan ay para raw makasunod o makaaga­pay sa iba pang bansa sa Asia na Setyembre ang opening ng klase. Napag-iiwanan daw ang Pilipinas kaya kailangang makasunod sa iba pa.

Maganda naman ang balak na ito pero inilipat lamang ang buwan ng opening. Kung Setyembre hanggang Hunyo, tiyak na sasagupain ng mga estudyante ang malalakas na bagyo. Ang Ondoy, Pedring at Milenyo ay nanalasa ng Setyembre. Ang malakas na bagyong Loleng ay nanalasa noong Oktubre 1998. Ang bagyong Yoling ay nag-iwan nang maraming patay noong Nobyembre 24, 1970. At sino ang makalilimot sa Yolanda at Pablo na nanalasa ng Disyembre.

Pag-aralan munang mabuti ito at baka mapasubo lamang ang mga estudyante. Baka sa dami ng mga bagyo ng Setyembre hanggang Disyembre ay wala ring pasok (laging suspendido) ang klase. Wala rin itong ipinagkaiba kung Hunyo hanggang Marso.

 

Show comments