EDITORYAL - Inaaksiyunan ba ng LTFRB ang Don Mariano?

MARAMING nagtatanong kung ano na ang nangyari sa nahulog na bus ng Don Mariano Transit Corp. (DMTC) sa skyway noong madaling-araw ng Disyembre 16, 2013? Inaasikaso pa ba ng mga kinauukulang ahensiya o tanggapan ang kalagayan ng mga biktima ng trahedya? Ano ang ginagawang hakbang?

Tatlong linggo na ang nakalilipas mula nang mahulog ang bus na ikinamatay ng 18 pasahero pero masaklap malaman na hanggang ngayon, wala pa umanong natatanggap na tulong ang mga kaanak ng biktima mula sa DMTC. Ayon sa mga kaanak ng biktima wala silang nakakausap mula sa may-ari ng DMTC at nangangamba sila na makatakas sa responsibilidad ang nasabing bus company. Humihingi sila ng katarungan sa namatay nilang kaanak. Huwag naman daw magaya sa ibang kaso ang nangyaring malagim na pangyayari na nakalimutan na sa pagdaan ng panahon.

Ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang maykapangyarihan at tanging makareresolba sa problemang pinapasan ng mga kawawang biktima at kaanak ng mga namatay. Ang LTFRB ang nararapat na humabol sa DMTC para puwersahing bayaran ang mga kaanak ng pasaherong namatay. Huwag nang patagalin pa ang pag-iimbestiga. Tanggalan na ng prankisa para tuluyang mawalis na ang mga bus nito sa kalsada. Kung hindi mawawalis ang mga bus ng DMTC, marami pang kawawang pasahero at pedestrians ang dadalhin nila sa hukay.

Ayon sa report, marami nang kasong kinasangkutan ang mga bus ng DMTC sa nakaraan. Maraming aksidenteng nangyari at nireklamo na ng mga pasahero dahil sa mapanganib na pagpapatakbo. Nakikipagkarera ang mga bus ng DMTC at nakikipag-agawan sa pasahero.

Marami naman ang nababahala na dahil sa mabagal na pagkilos ng LTFRB, makalimutan na ang mga kasalanan ng DMTC at babalik sa kalsada para mu-ling mang-aararo ng mga pasahero at pedestrians.

 

Show comments