Ngayong Bagong Taon

Ngayong Bagong Taon – sana naman sana

Wala nang trahedyang maganap sa bansa;

Wala na ang lindol, ang bagyo  at digma

Saka si Misuari nawa’y sumuko na!

 

Ngayong Bagong Taon tayong mga Pinoy

Wala nang mangyaring sakuna sa ngayon;

Bawa’t mamamayan sa lunsod at nayon

Maraming pagkain walang magugutom!

 

Ngayong Bagong Taon ang mga sasakyan

Sana’y makaiwas sa mga banggaan;

Mga pasahero habang nakasakay

Walang mag-iisip mangholdap, pumatay!

 

Ngayong Bagong Taon ang riding-in-tandem

Sa sasakyang motor banal ang mithiin;

Wala silang nais ang tao’y patayin

Pagka’t kapwa tao ay dapat mahalin!

 

Ngayong Bagong Taon itong mga tsuper

Matapat na tao bilang mga drayber;

Sa pagmamaneho sila’y hindi lasing

At wala ring hangad magbiyaheng matulin!

 

Ngayong Bagong Taon mga manggagawa

Ay huwag mag-isip ng gawang masama;

Kung sila’y matapat sa nakuhang gawa –

Pamilya’y lulusog bansa’y masagana!

 

Ngayong Bagong Taon taong mayayaman

Tulungang magbangon nasa kahirapan;

Mayaman at dukha kung magtutulungan

Itong ating bansa’y maligayang bayan!

 

Show comments