HINDI maganda ang salubong sa atin ng Bagong Taon. Tataas ang babayaran ng mga SSS at Philhealth member sa kabila ng tila kinalimutang isyu nang malalaking bonus na tatanggapin umano ng mga opisyal ng SSS. Napatigil ng Korte Suprema ang dagdag-singil ng Meralco sa mga kliyente nito, pero hindi pa sigurado kung permanente ang solusyon dahil sa laki raw ng problema hinggil sa kuryente. Kung taga-Quezon City ka, may babayaran ka nang “garbage fee†taun-taon. Naging grabe naman ang polusyon sa Metro Manila dahil sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Nasa 900 na ang mga nabiktima ng paputok. Mas marami kaysa nakaraang taon. Ilan na rin ang namatay dahil sa tama ng ligaw na bala, na pawang mga bata Hindi naman matukoy ng PNP kung sino ang nagpaputok ng mga baril. May ilang nahuling nagpaputok ng baril, may pulis, sundalo, bumbero at iba pa. Kung ako ang tatanungin, dapat kasuhan na sila.
Pero ang mas nakagagambalang balita ay ang pag- kalat ng tigdas, na dineklarang epidemya na ng DOH. Higit 1,500 na ang ipinasok sa San Lazaro Hospital. Pitumpu’t isa sa kanila ay namatay na. Karamihan ng mga kaso ay mga bata na galing sa Tondo, Manila. Dikit-dikit ang mga tahanan doon kaya mabilis kumalat ang tigdas. Patunay na rin na hindi sapat ang programang pagbabakuna ng gobyerno dahil nagkakaroon pa rin ng epidemya. Libre ang bakuna laban sa tigdas, pero kailangan ang mga magulang ang magdala ng kanilang mga anak sa health center.
Kung sa tingin ng iba ay hindi delikado ang tigdas, nagkakamali sila. Kapag masama ang tama sa bata, maaaring mamatay. Sa dami ng pasyente sa ospital, baka hindi lahat nababantayan na nang maayos. Hindi naman puwedeng ilagay sa kung saang ospital lamang at baka lalong kumalat ang sakit. Kaya mahalaga ang bakuna, at hindi lamang ang unang bakuna kundi pati na rin ang “boosterâ€, na madalas nakakalimutan na ng mga magulang. Kailangang maglunsad ng kampanya ang DOH para magbigay ng impormasyon hinggil sa tigdas.