ANG pamilya Estrada ay bumabati ng Manigong Bagong Taon sa lahat, kasabay ng aming panalangin na ang 2014 nawa ay maging mas mapayapa, ligtas at maunlad para sa bawat isa.
Matindi ang mga dinanas natin noong 2013. PanguÂnahin dito ang iba’t ibang kalamidad partikular ang mga bagyo, baha, lindol, landslides, sunog at iba pa na nagresulta sa pagkasawi o pagkapinsala nang mara- ming kababayan at pagkawasak ng mga tahanan, imprastraktura, kabuhayan at mga komunidad.
Marami rin ang naging biktima ng malalagim na aksidente at krimen o kaya naman ay naigupo ng pagkakasakit. Bukod pa riyan ay panaka-naka ring nagkaroon ng sigalot at sagupaan sa ilang bahagi ng bansa.
Pero likas na matatag ang mga Pilipino. Sa gitna ng mga kaganapang ito ay lumaban tayo at nagpursige upang makabangon, hindi lang para sa ating sarili kundi lalo’t higit para sa ating mga mahal sa buhay.
Kasiya-siya ang nasaksihang pagtutulungan, pagkakaisa at pagbabayanihan sa gitna ng mga problema, kung saan ay nagkapit-bisig ang mga kababayan, mga pribadong grupo, pamahalaan, media, mga kumpanya at institusyon.
Ganyan tayong mga Pilipino. Anumang unos ang dumaan sa ating buhay ay laging matatag ang ating disposisyon at pagkilos, nananatiling positibo ang pananaw sa tiyak na pagdating ng mas maaya at maaliwalas na bukas, lalong yumayabong ang pakikipag-kapwa tao at ibayong tumitibay ang pananalig sa Diyos.
Kasabay naman niyan ay ipagpasalamat natin ang napakarami rin namang mga positibong bagay at mga biyaya na dumating sa atin.
Muli po, ang aming buong pamilya sa pangunguna ni Manila Mayor Erap at Senator Jinggoy Ejercito Estrada ay nagpupugay at nakikipagkapit-bisig sa pagharap ng sambayanang Pilipino sa mga bagong hamon, pakiki-pagsalaparan at mga oportunidad na hatid ng 2014. Makaaasa po kayo sa aming patuloy na serbisyo.
Mabuhay ang Pilipino! Mabuhay ang Pilipinas!