ANG unang linggo matapos ang Pasko ay ang kapistahan ng Banal na Mag-anak (Holy Family). Ito ang araw ng sama-samang pagdiriwang ng isang pamilya o angkan sa lahat ng bansang may Kristiyano. Ang kaarawan ni Hesus ay kaarawan din ng isang tahanan na nagpapatibay sa pag-iibigan ng mga magulang at mga anak.
Ito ang family reunion, isang pagsasakatuparan ng ating pananampalataya at pagbati sa pamilya ni Hesus. Ang pagtawag natin sa Kanila ay isang wagas na panalangin at paghingi ng biyaya kina Hesus, Maria at Jose at kadalasan sa ating mabilis na panalangin ay sinasabi natin: Susmar-yosep po!
Ang ating pagbabatian ngayong Pasko ay isang pagpapatunay ng ating paggalang sa ating kapwa lalung-lalo na sa ating magulang. Gumagalang sa magulang ang isang may takot sa Diyos. Ito ang pahayag sa atin ni Sirac: “Ang gumagalang sa kanyang ama’y nagbabayad na sa kanyang kasalanan, at ang nagpaparangal sa kanyang ina’y parang nag-iimpok ng kayamanan.†Ang tunay na pagdiriwang ngayong pasko ay ang pagpapatawaran at pagpapaumanhinan. Sa sulat ni Pablo sa mga taga Colosas ay dito natin mamamalas ang tunay na pamumuhay ng mag-anak na Kristiyano. Ito ang muling pagpapatibay ng isang tahanan na ligtas sa anumang kaguluhan. Sinabi ng anghel kay Jose: “Bumangon ka, dalhin mo ang mag-ina.â€
Ito ang bukod-tangi sa ating mga Pilipino na sa kabila ng kahirapan ay hinahangad nating magkaisa lalung-lalo na tuwing Pasko. Kayong mga taga-subaybay ng aking column, sama-sama nating ipanalangin ang lahat ng mag-anak upang magkaroon ng kapayapaan. Ipanalangin natin ang lahat ng pamilya kasama nina Hesus, Maria at Jose. Susmaryosep po, ipanalangin N’yo kami!
Sirac3:3-7, 14-17a; Salmo127; Colosas3:12-21 at Mt2:13-15, 19-23
* * *
Binabati ko ang pamilya nina Joseph at Christine Yae, happy family!