Magkano ang kinikita ng mga senador?

ANG sagot ay nakapaskel sa website ni Sen. Miriam Defensor Santiago:

Bawat senador ay may basic salary na P90,000 kada buwan. Kapag awasin ang buwis, GSIS, Philhealth, Pag-IBIG, atbp., P60,000 ang natitira.

Meron ding honorarium, halos doble ng suweldo, ang officers: Senate President, Pro Tempore, Majority Leader, at Minority Leader.

Bukod dito, batay sa Commision on Audit report nu’ng 2011, meron ding P43 milyon kada senador kada taon. Para ito sa Maintenance and Other Operating Expenses: pang-upa sa opisina, suweldo ng staff, travel allowance, representation expense, pantustos sa utilities (tubig, ilaw, Internet, pahayagan), capital outlay (computers, kotse), atbp.

Dagdag dito ang katumbas na halaga sa bawat pag-che-chairman ng mga komite, at P50,000 na allowance kung miyembro ng makapangyarihang Commission on Appointment. Muli, mas malaki ang tinatanggap na allowances at honorariums ng officers. Kaya ang mga senador, kung anu-anong oversight committees ang ininatatag, bukod sa marami nang standing committees, para palaguin pa ang kita. Ang oversight committees ay may budget na P5 milyon hanggang P36 milyon kada taon.

Kapag may savings ang senador, dahil hindi pinunuan ang staff plantilla, walang computers at sasakyan, mababa ang upa at overhead, maari nang ibulsa ang natipid.

Ang tanong: Kung gan’un pala kalaki ang kita ng senadores, e bakit pa nila kinukulimbat ang pork barrel? Sagot: ang linta na walang utak, kapag busog na sa hinigop na dugo, kusang bumibitaw. Ang tao na ganid, walang kabusugan.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments