HINDI masyadong naging maganda ang mga pangyayari sa Mindanao ngayong taong ito dahil nga sa mga iilan ngunit matitinding security problems na kahit paano ay yumanig din sa ating bansa.
Kasisimula lang ng taon nang lumusob sa Lahad Datu sa East Malaysia ang ilang tauhan ng Sulu Royal Army ni Sulu Sultan Jamalil Kiram III sa pagpupurisge ng Sabah claim nila.
Naging matindi ang bakbakan sa pagitan ng mga tauhan ni Kiram at Malaysian troops. Marami rin ang namatay sa mga miyembro ng Royal Army ni Kiram.
Naroon din ang problemang dala ng pambobomba sa Cagayan de Oro City noong Hulyo 26 na ikinamatay ng walong tao at ikinasugat ng 40 iba pa.
Sinundan pa ng pagsabog ng isang car bomb sa Cotabato City na ikinamatay din ng walong tao noong Agosto 5.
Kahit walang namatay ay magkasabay ding sumabog ang dalawang bomba sa loob ng cinema ng SM City at Gaisano Mall sa Davao City. Sinabi ng mga otoridad na pananakot lang ang naging motibo sa twin bombings dahil nga raw last full show nangyari ang insidente.
Mas matindi rin ang naging epekto ng Zamboanga siege na umabot pa ng higit isang buwan nang sumalakay ang mga tauhan ni Moro National Liberation Front (MNLF) founding chairman Nur Misuari.
Higit 100 tao ang namatay kasama ang ilang sundalo sa Zamboanga siege na iyon. At may 100,000 ang nawalan ng tirahan. Hanggang ngayon hinihintay pa rin ang rehabilitation na pinangako ng pamahalaan.
Ngunit kahit na may mga hindi kanais-nais na mga pangyayari sa Mindanao ngayong 2013, kahit paano may pag-asa ring dala ito dahil nga sa paglagda ng Annex on Power Sharing sa peace process sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front.
At inaabangan na lang ang paghuling resolbahin ang Annex on Normalization bago malagdaan ang isang comprehensive final peace agreement na tinatayang mangyayari nitong susunod na taon.
Sana naman sa taong darating ay makamit na rin ang matagal nang minimithing kapayapaan para sa Mindanao.