Malaking deficit sa competence ng rehimeng P-Noy

HABANG naliligo, malungkot kong inaawit ang “Honesty” ni Billy Joel.  Ani Joel: “Honesty, it’s such a lonely word, everyone is so untrue.” Pero sa halip na “honesty” ang ginagamit kong word ay “competence”. Kung ang rehimeng P-Noy ang ating pag-uusapan, di ko masabing  honesty is a lonely word dahil si P-Noy ay honest.  Pero kung competence ang pag-uusapan marami ang incompetente tulad ni NAIA general manager Jose Honrado. Kung hindi ba naman incompetente ang mamang ito, bakit di man lang niya naisipang magpakabit ng CCTV sa Terminal 3 kung saan isang mayor at ang kanyang maybahay at iba pa ang namatay sa ambush.

Isa ring incompetente si Defense Secretary Voltaire Gazmin na chairman ng NDRRMC. Apat na araw bago nanalasa si Yolanda, paulit-ulit na sinabi ng CNN at BBC na si Yolanda ay may taglay na 315 kph winds. Subukan ni Gazmin na ilabas ang kanyang ulo sa bintana ng kotseng tumatakbo ng 200 kph lamang at tiyak mapupugutan siya ng ulo. Dahil sa clueless at incompetente si Gazmin, hindi nailikas ng NDRRMC ang mga mamamayang  sinasaga-saan ng dambuhalang Yolanda.

Incompetente din si Ding Deles na peace adviser kuno. Nakipag-ayos lamang siya sa MILF at pataray na initsapwera ang MNLF at BIFF. Kaya tiyak na magpatuloy ang rebellion sa Mindanao.

Ang sanhi ng  pagkahulog ng Don Mariano bus sa Skyway na ikinamatay ng 18 katao ay hindi lamang kasiraan ng ulo ng bus driver kundi ang incompetence ng Toll Regulatory Board. Isang truck noon ang nahulog na diyan. Dapat nagpagawa na sila nang mas matibay na harang noon pa man para wala nang nahuhulog.

Marami pang mga incompetent sa gobyerno ni P-Noy. Kaya mga kababayan, all together now: ♪ ♫ ♪ Competence, it’s such a lonely word. ♪ ♫ ♪

Show comments