Maghihintay ba uli nang mas malaking aksidente?

KAILANGAN bang may mamatay muna bago mapagtanto na may mga drayber ng mga pampasaherong bus ang hindi sumusunod sa batas-trapiko, walang tunay na kakayanang magmaneho ng bus sa ligtas na pamamaraan, at walang pakialam sa buhay ng kanyang mga pasahero? Nalaglag sa Skyway ang Don Mariano Transit Corporation bus at nabagsakan ang isang closed van na bumabaybay sa service road. Labingwalo ang namatay at 16 ang sugatan.

Ayon sa isang nakaligtas na pasahero, pati ng isang motorista na nilampasan ng bus, mabilis ang takbo kahit basa ang kalsada dahil sa ulan. Basta bumangga na lamang sa riles ng Skyway at nalaglag sa service road. Malas naman at may dumadaang sasakyan. Hindi na kailangan ng eksperto para malaman kung ano ang nangyari. Basa na kalsada, kumpirmadong mabilis ang takbo at drayber na kwestyonable ang kakayahan. Ang hindi na lang nakita ng mga testigo ay si Kamatayan na nakasunod na.

May rekord na raw ang kumpanyang ito sa LTFRB. Pero ganun pa man, pinayagang bumaybay pa rin ng kalsada. At tulad na lang ng dati, may nangyari na namang aksidente. Walang pinagkaiba sa kriminal na nahatulan na, pero pinalaya pa rin hanggang sa gumawa na naman ng krimen. Bakit ka magpapatakbo ng matulin, ng mala-king sasakyan na puno ng pasahero sa basa na kalsada? Lasing ba? Naka-droga ba? Inaantok ba? Sentido komon ang maging maingat sa pagmamaneho kapag basa ang kalsada, lalo na’t ang dalang sasakyan ay may pasahero, at hindi naman makakahinto kaagad kung kinakailangan. Hindi pa natin pinag-uusapan kung maayos ang pag-aala­ga sa nasabing bus. May mga ulat na kalbo na raw ang mga gulong nito. Mortal na kalaban ng kalbong gulong ang basang kalsada, na dapat alam ng lahat ng drayber.

Suspendido ng isang buwan ang operasyon ng Don Mariano Transit Corporation, para ma-inspeksyon ng LTFRB ang lahat ng kanilang bus, at alamin kung may kakayahan ba talaga ang mga drayber nito. Ilang beses nasangkot sa aksidente at nasuspindi ang kumpanyang ito. Sana naman, ngayon na marami na ang namatay sa isang napakasamang aksidente, maging masiyasat at tapat nang husto ang LTFRB kung papayagan pang makabiyahe ang mga bus ng kumpanya.

O maghihintay ba ng mas malaking aksidente kung saan mas marami ang patay, bago tuluyang umaksyon?

Show comments