MASYADONG busy ba ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng relief goods sa Tacloban City at hindi na napagtutuunan ng pansin ang sandamukal na mga namamalimos sa kalye. Maraming lugar sa Metro Manila ang na-penetrate na ng mga namamalimos na Badjao at walang ginagawang aksiyon ang DSWD para hulihin ang mga ito. Haha-yaan na lamang bang kumalat-kalat ang mga ito na para bang nagbibigay sa kanila ng permiso at inaakalang tama ang kanilang ginagawa.
Sa totoo lang, kahit hindi Pasko ay marami nang mga namamalimos na Badjao. Karamihan sa mga namamalimos ay may mga dalang tambol at mga libaging sobre na iniaabot sa mga pasahero. Target ng mga ito ang mga pampasaherong dyipni. Ang mga batang Badjao ay naglalambitin pa sa mga dyipni. Maaaring malaglag at mabagok ang ulo ng mga ito kapag umarangkada ng takbo.
Karaniwang nasa mga lugar na maraming tao at sasakyan ang mga Badjao. Mas maraming sasakyan, mas malaki ang tsansa nilang makarami ng limos. Ilan sa mga lugar na maraming pulubing Badjao ay ang kanto ng Roxas Blvd. at P. Burgos St., Manila, Rizal Avenue cor Carriedo, Laon Laan St., Mayon St. QC, North Avenue, QC, Osmeña Highway, Novaliches (Ba-yan), QC, EDSA cor. Taft Avenue at marami pang lugar sa Metro Manila. Grupo-grupo sila at tila mayroon nang nakatokang lugar para sa kanilang operasyon.
Masakit sa mata ang mga nakasahod na kamay at ang iba ay kinakatok pa ang bintanang salamin ng mga private vehicle para makahingi ng limos. Dahil sa dami ng mga nagpapalimos, nakasasagabal sila sa daloy ng trapiko. May halos ayaw nang umalis sa gitna ng kalsada. Iniiwasan na sila ng mga sasakyan.
Ang isang masamang tingnan, marami silang basurang iniiwan sa lugar na kanilang tinitigilan. Sa kanto ng P. Burgos at Roxas Blvd. malapit sa rebulto nina Cory at Ninoy, maraming basurang nakakalat at karamihan ay plastic na supot. Tapon lang sila nang tapon ng mga balat ng kanilang pinagkainan.
Noong Lunes, sinabi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na huhulihin nila ang mga namamalimos na Badjao. Sana nga gawin na nila dahil habang papalapit ang Pasko, patuloy sa pag-dagsa ang mga Badjao sa Metro Manila. Sila na ang gumawa ng trabaho na dapat sana ay ang DSWD.