Enrile, Miriam imbestigahan
MALI ang panukala ng ilang senadores na burahin sa official journal ang talumpating paninirang-puri sa isa’t isa nina Sen. Juan Ponce Enrile at Miriam Defensor Santiago. Kesyo raw masamang halimbawa sa kabataan, kahiya-hiya sa publiko, at putik sa kasaysayan kung panatilihin ang mga personal na banat ng dalawang senador sa kapwa mambabatas. Pero sa totoo, dapat imbestigahan ang mga paratang.
Ani Enrile, may tililing si Santiago. May neuropsychiatric report ba na katunayan nito, kaya hindi dapat umupo sa Senado si Santiago?
Ani si Santiago, hari ng smuggling at illegal online gambÂling si Enrile sa pamamagitan ng pagkontrol sa Cagayan Economic Zone (CEZ). Hari rin umano ng pagkalbo ng kabundukan ng Samar at plunder ng bilyon-bilyon-pisong pork barrel.
Tungkol sa smuggling, matagal nang umaangal ang American Chamber of Commerce in the Philippines na nagpupuslit ng mga kotse mula abroad sa CEZ. Mapatotohanan ba ito ng Customs, at maisasangkot ba si Enrile sa krimen?
Sa illegal online gambling, ni-raid ng pulisya kamakailan ang call center sa Makati ni Canadian fugitive billionaire Calvin Edward Ayre, sa hinalang gambling front. Nag-o-operate sa Pilipinas si Ayre sa prankisa mula sa First Cagayan Leisure & Resort Corp. May kinalaman ba si Enrile sa kompanya na nakabase sa CEZ?
Sa pagkalbo ng kabundukan ng Samar, matagal nang ibinalita sa pahayagan ang pinsala ng dalawang kom-panya ng posporo ni Enrile. Pinagbayad ba siya?
Sa pork barrel plunder, nasasakdal na si Enrile sa raket ni Janet Lim Napoles. Pero isa lang siya sa tatlong senador at limang kongresista.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest