BAKIT nga ba hindi matapos-tapos ang Abu Sayyaf ng militar, kung ayon mismo sa kanila ay iilan na lang ang mga miyembro nito? Nakatakas na si Bakr Atyani, pero may 17 bihag pa ang Sayyaf, kasama ang dalawa pang dayuhan. Kumikilos na umano ang militar, pero maingat sila na hindi mapapahamak ang mga bihag. Alam natin ang nangyari sa operasyon ng militar para maligtas sina Martin at Gracia Burnham. Namatay si Martin sa nasabing operasyon.
Pero bumalik muna tayo sa tanong ko. Bakit hindi pa maubos-ubos ang Sayyaf? Bakit sa halip na iilan na lang daw ang kanilang numero, at tila tinutulungan pa tayo ng mga Amerikano sa pamamagitan ng kagamitan at modernong teknolohiya, bakit nakakakilos pa ang mga kriminal at may mga nadudukot pang mga sibilyan? Malakas pa ba ang simpatiya ng mga lokal na residente kung saan aktibo pa ang Sayyaf, kaya hindi masyadong makakilos ang militar, o kaya’y nagsisilbing espiya na rin ang mga lokal na residente para sa Sayyaf?
May kasunduan na tayo sa MILF para sa kapayapaan. Kailan lang ay nagkaroon na ng kasunduan hinggil sa power-sharing sa pagitan ng itataguyod na Bangsamoro at gobyerno. Isang malaking hakbang muli patungong pangmatagalang kapayapaan. Kaya, may papel pa ba ang Sayyaf sa Mindanao, sa Bangsamoro? Hindi ba nangako ang MILF na sila ang “mag-aasikaso†sa Sayyaf noong unang nagkapirmahan para sa kapayapaan? Natupad ba ang pangakong iyon? Mga kriminal ang Sayyaf, at hindi grupong may ideolohiyang itinataguyod.
Kung may operasyon ang militar ngayon laban sa Sayyaf, sana naman ay bukod sa maligtas ang mga natiÂtirang bihag, ay mapahina na nang husto ang kanilang puwersa, para hindi na makagawa pa ng mga kriminal na aktiÂbidad sa Mindanao. Nagbabago na ang Mindanao. Gumaganda na ang hinaharap ng rehiyong ito na sa tingin ko ay sawang-sawa na rin sa karahasan at kahirapan. Siguraduhing mananatili ang kapayapaan sa pamamagitan ng pagsugpo na sa Sayyaf. Pero baka naman pagkalipas ng ilang buwan, may bagong bihag na naman ang Sayyaf. Magtataka na talaga ako niyan, at maniniwala na may ibang grupo na tumutulong pa rin sa kanila. Grupo na may pera at imÂpluwensiya?