Ang Diwali Festival

ALINSUNOD sa Proclamation 655, itinakda ni President Noynoy Aquino ang opisyal na listahan ng mga holiday para sa 2014.

Kabilang dito ang Chinese New Year bilang pakikiisa sa mga Intsik sa buong mundo at mga Filipino-Chinese. Matatandaang ipinursige ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada ang ganitong hakbangin sa pamamagitan ng kanyang iniakdang panukalang “An act declaring the day on which Chinese New Year falls each year as a special working holiday as a sign of goodwill and amity between the Philippines and China.”

Kasama rin sa ipagdiriwang sa bansa ang Islamic holidays na Eid’l Fitr at Eidul Adha bilang pakikipagka-pit-bisig naman sa mga kapatid na Muslim.

Kaugnay nito ay iminungkahi ni Jinggoy ang pagdiriwang din ng “Diwali” bilang pakikipagkapatiran sa Indians at mga may dugong-Indian sa buong mundo. Ito ay nakatakda sa Oktubre 24, 2014.

Tinatayang mayroong mahigit isang bilyong Indians sa buong daigdig, habang mayroon namang humigit-kumulang na 150,000 Filipino-Indians at Filipinos of Indian descent sa iba’t ibang panig ng bansa kung saan ang bulto nila ay nasa Metro Manila, Cainta, Cebu City at Davao. Karamihan sa kanila ay mga negosyante at malaki ang partisipasyon at kontribusyon nila sa ating lipunan at ekonomiya.

Ilan sa mga itinuturing na popular na Filipinos of In- dian descent ay ang beauty queen na si Venus Raj at ang angkan nina dating Manila Mayor Ramon Bagatsing.

Base sa Indian culture partikular sa kanilang Hindu religion, ang Diwali o Festival of Lights, na itinuturing na pinaka-malaki at pinaka-importanteng Indian festivity, ay pagdiriwang ng pananaig ng liwanag laban sa dilim, ng kabutihan laban sa kasamaan, ng kaalaman laban sa kamangmangan at ng pag-asa laban sa desperasyon.

Ang iminumungkahi ni Jinggoy na opisyal na pagdiriwang ng Diwali ay inaasahang lalong magpapatibay sa pakikipag-ugnayan sa Indian citizens, sa mga follower ng Hinduism at sa Filipino-Indians at Filipinos of Indian descent; magpapayabong pa ng ating kultura; at ibayo ring magpapalakas ng ating pagpupursige para sa laging pamamayani ng liwanag, kabutihan, kaalaman at pag-asa.

 

Show comments