DALAWANG linggo bago mag-Super Typhoon Yolanda (Haiyan) sa Tacloban, namigay ang gobyerno ng 752 titulo ng lupa sa Pampanga. Mula sa anim na resettlements sa apat na bayan ang mga lote’t bahay. Bahagi ito ng 11,189 titulo na ipinamahagi sa termino nina Presidente Gloria Arroyo at Noynoy Aquino nitong 2001-2013. Nauna rito ang pagbigay ng titulo sa 1,000 ring taga-resettlements sa 2013 -- 22 taon mula nang winasak ng bulkan ang mga kabahayan sa 364 komunidad sa Central Luzon. Karamihan sa mga ipinamahaging lote ay nasa Pampanga at Tarlac, probinsiya ng dalawang Presidente. Mahigit 9,500 pang pamilya ang bibigyan ng lote. Mahigit 15 taon nang naghihintay ang maraming nawalan ng bahay; 1998, sa termino ni President Joseph Estrada, nang magsimula mamahagi ng titulo. Lahat-lahat, 37,000 bahay ang naitayo mula termino ni Presidents Cory Aquino at Fidel Ramos.
Bakit ko inuurirat lahat ito? Kasi dapat kapulutan ng aral ang Pinatubo resettlements sa ano mang balakin sa Tacloban. At isa sa mga aral na ‘yan ay ang bagal ng pagbuo ng mga bagong komunidad kapag nilisan ang mga luma.
Lahat ng Pinatubo resettlements ay nasa 40-kilomeÂtrong radius pa rin mula sa bulkan. Bagamat na-trauma ang mga pamilya sa kilabot ng pagsabog -- isa sa pinaka-malakas noong siglo -- minarapat nila at ng mga eksperto na manatili malapit, ngunit safe, na distansiya. Ito’y dahil nasa pook na ‘yon ang alam nilang mga kabuhayang pambukid, o trabaho sa urban areas. Naroon ang mga paaralan, kamag-anak, kaibigan -- mga katulad ang kultura, wika, at ugali.
Maraming sakit ng ulo at hidwaan ang dinanas bago maitayo ang resettlements. Naroon ang pagtatalo kung saan, magkano, gaano katagal ang relief bago hayaang tumayo sa sariling paa ang mga nasalanta, atbp. isyung pangkabuhayan, pulitika, lipunan, kalikasan, kalusugan, at personal na katahimikan.
Dadaanan din ‘yan sa desisyon ng Tacloban resettlement.