Lehislasyon para sa OFWs, ipinupursige ni Jinggoy

KASABAY nang pag-obserba ngayon ng Month of Overseas Filipinos (MOF) gayundin ng International Migrants Day noong Disyembre 4 ay pinangunahan ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada ang pagtalakay ng Mataas na Kapulu-ngan sa mga panukalang batas para sa mga OFW.

Kabilang sa mga ito ay ang Senate Bill 24 (An Act to govern the operations and administration of the Overseas Workers Welfare Administration Act of 2013) at ang SB 21 (Magna Carta for Seafarers).

Ayon kay Jinggoy, Chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, ang mga migranteng manggagawa, o itinuturing na mga “bagong bayani”, ay napakahalagang haligi ng ekonomiya ng bansa. Marapat lang anyang palakasin ang mga batas para sa kanilang kapakanan.

Pinansin niya na may nagiging kalituhan sa ilang aspeto ng operasyon ng OWWA na nakaaapekto tuloy sa pagganap nito ng mahahalagang tungkulin partikular sa “rescue, repatriation and assistance” sa mga nagkakaproblemang OFW.

Alinsunod dito, itinatakda ng SB 24 ang pagsasaayos, paglilinaw at pagpapalakas ng: Nature, scope and functions of OWWA; membership, contribution and collection; OWWA board of trustees, secretariat and other personnel; guiding principles on the benefits and services for OFWs; and fiscal management, budget policy and administration of its funds.

Binigyang-diin naman niya na mga Pilipino ang bumubuo ng mahigit ika-apat na bahagi ng 1.2 milyong mga marino sa buong mundo.

Ang SB 21 aniya, o tinatawag ding “Seafarers’ Bill of Rights,” ay isang malaking konkretong hakbangin upang matiyak ang kanilang mga karapatan at pag-unlad. Layon din ng panukala na isabuhay ang “minimum labor standards on employment, recruitment and job placement of seafarers” na nakasaad sa Maritime Labor Convention, 2006. Matatandaang pinangunahan ni Jinggoy ang pag-apruba ng Senado noong Agosto 2012 sa resolusyon para sa concurrence sa ratipikasyon ng Pilipinas sa MLC 2006.

Ang SB 21 ay kabilang din sa inihayag ng Department of Labor and Employment (DoLE) na 12 priority measures na ipinupursige nitong mapaaprubahan at maisabatas.

 

Show comments