Tamang pag-inom ng tubig

ALAM ba ninyo na may tama at maling pag-inom ng tubig? Oo. Sa katunayan, ang katawan natin ay gawa sa 80% ng tubig. Heto ang mga tips sa pag-inom ng tubig.

Uminom ng 8-10 basong tubig bawat araw. Kung may edad o mahina ang puso, puwede na ang 4 o 5 basong tubig lamang. Huwag lalampas sa 16 basong tubig sa isang araw dahil baka masyadong lumabnaw ang ating dugo.

Konti-konti lang ang pag-inom ng tubig. Mga 3 o 4 na lagok lang. Huwag biglang uminom ng 2 basong tubig lalo na kung may edad dahil baka malunod ang inyong puso. Ang pag-inom ng pakonti-konti ay maganda ding panlaban sa pangangasim ng sikmura dahil nalilinis nito ang asido sa tiyan.

Pagka-gising sa umaga, uminom ng isang basong tubig. Ito’y dahil kulang tayo sa tubig o dehydrated na sa umaga. Nililinis din nito ang ating kidneys at pantog.

Sa mga may lahi ng kidney stones, o iyung bato sa bato, kailangan ninyo na uminom ng tubig bago matulog sa gabi. Ito’y para hindi magbuo ang kidney stones sa gabi.

Uminom nang mas maraming tubig habang nag-eehersisyo. Kapag malakas kayong magpawis, kaila-ngang uminom ng 1 basong tubig bawat 30 minutos ng ehersisyo. Kumain na rin ng saging para hindi bumaba ang potassium sa dugo.

Kapag nanunuyo ang inyong lalamunan, may sipon o ubo, uminom din ng mas maraming tubig para lumabnaw at mailabas ang plema.

Sa mga nagbi-breastfeeding, damihan ang inom ng tubig para sa inyo at sa inyong sanggol. Ayon sa Mayo Clinic sa America, kailangan ng bagong panganak ng 12 o 13 basong tubig sa buong araw habang nagbi-breastfeeding.

Siguraduhing malinis at ligtas ang inyong tubig. Huwag makipagsapalaran dahil puwedeng magdulot ng typhoid fever at gastroenteritis ang maruming tubig.

Ang tubig ay nagpapaganda sa ating balat. Kapag kulang ka sa tubig, kukulubot ang iyong balat. Ngunit kung may sapat ka na tubig, magiging makinis at malambot ang iyong kutis.

Isang tip: Tingnan ang kulay ng ihi para malaman kung kulang tayo sa tubig o hindi. Kapag madilaw o kulay orange na ang iyong ihi, kailangan mo nang uminom ng tubig.

Kung hindi kayo mahilig sa tubig, puwede ring kumain nang maraming pakwan na punumpuno ng tubig at may bitamina pa.

Show comments