Overfishing = fishing over

ANG isang full grown tuna (tambakol sa Tagalog) ay maa-ring lumaki hanggang sa habang 15 feet at sa timbang na 1,500 lbs.  Ang isdang tuna ay karaniwang mahahanap sa mga dagat sa katimugang Mindanao at maituturing na pangunahing produkto ng General Santos City, ang tuna capital of the Philippines.  Ang tuna industry sa atin ay nagkakahalagang P50 billion at aabot sa 4% ng pangkalahatang produkto ng bansa. Ang tuna industry sa buong mundo ay aabot sa US$7.0 billion sa huli kada taon.

Ang Pilipinas ay pampito sa mga top tuna producers sa mundo. Kung kaya isa tayo sa mga naaapektuhang bansa nang ianunsyo ng kinauukulan ang Tuna Fishing Ban noong 2008 dahil lubha nang nababawasan ang bilang ng tuna sa karagatan ng mundo. Ang ganitong mga regulasyon ay kailangan upang hindi humantong sa extinction o tuluyang paglaho ng species ng tuna dala ng overfishing.

Mahigit 60% ng kabuuang huli sa buong mundo ay galing sa Pacific Ocean, umaabot sa 2.65 million tonelada ng isda. Malaking porsyento ng mga nangisda nito ay ang galing sa tinaguriang “distant water states” tulad ng America, Europa, China, Korea. Para sa atin, at sa iba pang mga bansa na taal na mahahanap sa Pacific Ocean o ang tinatawag na “coastal states”, natural lang na mangamba na kung hindi lagyan ng makatarungang limitasyon ang pangingisda, baka maubos na nga ng tuluyan ang tuna.

Itong December 2-6 ay may meeting ang Western and Central Pacific Fisheries Commission (WCPFC) sa  Cairns, Australia kung saan ipipilit ng coastal states na respetuhin ng mga distant water states ang mga patakaran para sa konserbasyon ng isda at pumayag silang bawasan ng hanggang 30% ang kanilang huli. Inaasahan na magiging mainit ang usapan dahil marami sa mga organisasyon mula sa distant water states ay hindi sumasang ayon sa pananaw na nauubos na ang supply ng tuna. Wala naman daw konkretong ebidensiya na ganoon na nga ang sitwasyon.

Ayon sa pag-aaral ng environmental groups, mayorya ng nahuhuling tuna ngayon ay batang bata at hindi na yung mga full grown na isda. Malaki ang mawawala sa atin – hindi lang sa ating ekonomiya kung hindi na rin sa ating kultura kapag hindi naagapan ang pagkawala ng tuna sa ating karagatan.

 

Show comments