Lindol at Yolanda: leksiyon sa sakuna

DAHIL humupa na ang emergency na dulot ng lindol sa Bohol-Cebu at Typhoon Yolanda sa Leyte-Samar, mag-post mortem ng mga sablay.

Una ang disaster management, na dapat akuin agad ng Sec. of National Defense, bilang chairman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council. Apat ang vice chairmen: ang Sec. of Interior and Local Governments sa paghahanda, Sec. of Social Welfare and Development sa dagliang tulong, Sec. of Science and Technology sa pag-iwas at pagbawas, NEDA Dir.-Gen. sa rehab.

Sa dalawang magkasunod na sakuna sa Visayas hindi halos nakita si SND Voltaire Gazmin. Anang NDRRMC executive director, ang namamahala umano ay sina Cabinet Secretary Rene Almendras, at Executive Sec. Jojo Ochoa. Ang napanood sa TV news na pumapapel sa pook ng sakuna ay si SILG Sec. Mar Roxas. Kawalan ng lider kaya ang rason sa magulo’t mabagal na kilos ng national government?

Ikalawang leksiyon ay huwag pulitikahin ang sakuna. Kaliwa’t kanang batikos ang inabot nina Roxas at Vice President Jojo Binay dahil sa pagtatatak umano ng pangalan sa relief packs. Sila rin ang nababalitang maglalaban sa Panguluhan sa 2016.

Ikatlo, huwag manira ng kapwa-opisyal. Inintriga ng isang paksiyon ng Aquino admin si PCSO chairwoman Margie Juico na kesyo wala raw itinulong. Napahiya sila nang lumabas ang totoo. Agad palang nagpadala ang PCSO ng power generators at portable water treatment plants sa pook ng sakuna. Nagbigay din ng P50-M sa Dept. of Health, bukod sa pagtustos sa gamot ng mga itinakbo sa government hospitals. Inapura ang release ng shares sa lotto sales ng local government units na tinamaan. At taga-alaga ng refugees na dinala sa Pasay City.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments