DALAWA sa pitong dating congressmen na kasama sa second batch ng 34 katao na pinangalanang kasangkot sa P10-billion pork barrel scam ay ang mag-amang Douglas Cagas at ang anak niyang si Marc Douglas Cagas IV ng first district ng Davao del Sur.
Ang nakakatandang Cagas ay naging gobernador din ng Davao Del Sur at natalo nga lang sa kanyang pagtakbong mayor ng capital town ng Digos City sa nagdaang election noong May 13. Ang kanyang anak naman na si Marc ay natalo rin nang tumakbo ito bilang gobernador sa nasabing halalan din noong Mayo.
Ang asawa ng nakakatandang Cagas na ina ni Marc na si Mercedes ‘Didi’ Cagas ay siya ngayong nanunungkulan bilang representative ng nasabing distrito.
Malaking dagok sa mag-amang Cagas ang kanilang pagkatalo dahil kumpiyansiya silang mananalo noong Mayo ngunit nagsalita ang mga mamamayan ng Davao del Sur na ayaw na sa kanilang pamamalakad ng lalawigan.
Ang mag-amang Cagas ay kasama sa nirekomenda ng Department of Justice na sampahan ng malversation, direct bribery, graft at corrupt practices dahil nga sa pagkadawit nila sa P10-billion pork barrel scam sa pamamagitan ng kanilang kaugnayan kay Janet Lim Napoles na tinuturing na may pakana sa pork barrel scam.
Ang mga Cagas ay sinasabing nakatanggap ng kickback na aabot din sa ilang milyon ng kanilang Priority Development Assistant Fund (PDAF) noong sila ay naninilbihan bilang mga congressmen sa first district ng Davao del Sur.
Dahil nga na seryoso ang mga paratang na ito ng DOJ, kailangang managot ang lahat ng mga sinasabing sangkot sa pork barrel scam.
Sana naging leksyon ito sa mga taong nag-iisip na panghabambuhay ang power, fame at maging money ay parating iniisip ng lahat ay makamit pag maging pulitiko ang isang tao lalo na pag-ilang miyembro pa ng isang pamilya ay naluklok sa puwesto.
Sinasabi nga na may hangganan din ang lahat maging karangyaan o kayamanan o kapangyarihan man.
Kaya, huwag maging MAYABANG.