NGAYON ang Bagong Taon ng Simbahang Kristiyano Katoliko Romano. Ang kalendaryo ay kabuuan ng taong A, B at K. Nagsisimula ito sa panahon ng Adbiyento, apat na linggong paghahanda sa kaarawan ni Hesus na ating kapatid at Panginoon. Tayo ngayon ay nasa Taong A sa ating liturhiya.
Sa pagdating ng Panginoon ay titipunin Niya ang lahat ng bansa at paiiralin ang walang hanggang kapayapaan, wala nang magsasanay sa pakikibaka at mawawala na ang mga digmaan. Ayon sa Salmo: “Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poong Diyosâ€.
Ito rin ang panahon upang gumising tayo sa pagkakatulog ayon kay Pablo sa kanyang liham sa mga taga-Roma. Malapit na ang pagliligtas sa atin ng Panginoon. Layuan na natin ang lahat ng masama at italaga ang paggawa ng mabuti. Ito ang ating Bagong Taon upang si Hesus ang paghariin sa ating Bagong Buhay.
Maging si Hesus sa ebanghelyo ayon kay Mateo ay nagpahiwatig sa atin na ang pagdating ng Anak ng Tao ay matutulad sa pagdating ng baha sa panahon ni Noe. Katulad din ito ng bahang hindi inaasahan sa Super Typhoon Yolanda at marami pang nakalipas na bagyo. Kaya sa lahat ng sandali ay paghandaan natin ang pagdating ng Panginoon. Katulad ito ng magnanakaw na walang nakaaalam sa pagsalakay.
Ang ating paghahandaan ngayon ay hindi lamang ang darating na Pasko kundi ang parousia, ang pagdating ni Hesus upang hukuman ang mga buhay at mga namatay. Lagi tayong magbantay. Abalang-abala tayong lahat sa paghahanda ng ating mga pagsasaluhan at mga dekorasyon sa darating na Pasko. Pawang mga materyal na bagay lamang ang nasa isipan upang maging maligaya ang kapaskuhan. Patuloy tayong tumulong sa ating mga kapwa Pilipino na nagdurusa sa hagupit ni Yolanda.
Ilan kaya sa atin ang laging naghahanda hindi lamang sa mga kakainin araw-araw kundi nagsisisi, nagbabalik-loob at nagpapakabuti sa buhay pisikal at espiritwal. Stay awake! Be prepared!
Isaias2:1-5; Salmo121; Roma13:11-14a at Mateo24:37-44