Ano na ang mangyayari?

UNTI-UNTI nang umaalis ang mga banyagang doktor, sundalo at volunteer na nagtungo sa Leyte, Samar at Cebu na tumulong sa mga nasalanta ng bagyo. Hindi pa naman umaalis lahat, pero may mga nauna nang umalis. Lubos naman ang pasasalamat sa kanila, dahil sa kanilang mga magaganda at modernong kagamitan, at magagaling na doktor. May mga batang naghandog pa nga ng awit sa mga mi­yembro ng Israeli Defense Force. Natuwa ang pinuno ng grupo, at nagpahayag na mukhang mas marami pa silang natanggap kaysa sa kanilang ibinigay. Pero sigurado ako na lahat ng kanilang natulungan ay labis-labis ang pasasalamat. Iniwan pa nga nila ang portable X-ray na makina para magamit ng lokal na pamahalaan ng Cebu.

Sigurado ako na kung pwede na lang maiwan ang mga boluntaryong nagtungo sa Pilipinas, ginawan na ng paraan. Habang may mga tumutulong pa, wala pa masyadong inaalala ang mga nasalanta. Pero tinatanong na rin nila, paano kung nakaalis na ang lahat ng mga banyagang tumutulong sa kanila? Masasalo ba ng gobyerno ang trabahong maiiwan? Ang kanilang pangangailangan? At ano ang mangyayari kapag naubos na rin ang mga relief goods? Magagandang tanong, hindi ba?

Alam natin na hindi masusustento ng gobyerno ang pagbigay ng relief goods paghabambuhay. Hindi pa masabi kung gaano pa katagal dadating ang mga tulong. Maraming panawagan na ipagpatuloy pa rin ang pagbigay ng tulong. May panawagan din sa DSWD na huwag biglain ang pagtigil ng relief goods. Hindi naman siguro bibiglain, at kung kakayanin ang patuloy na pagbigay ng tulong, mangyayari ito.

Pero mahalaga ang makabangon na ang lahat. Pabahay ang unahin na maibalik, susunod ang hanapbuhay. Kapag meron na iyan, makakatayo na ang lahat. Basta huwag lang maulit ang mga pagkakamali, tulad ng pagtayo ng tahanan sa tabi ng dalampasigan. May utos na ang Presidente hinggil dito, pero may mga tumututol na. Ang sa akin ay dapat unahin na ang kaligtasan bago ang lahat. Sapat na dapat ang Yolanda para magsilbing babala sa mga magpupumilit na magtayo ng tahanan sa mga lugar na napakadaling lamunin nang malalaking alon.

 

Show comments