UNTI-UNTI nang bumabangon ang Capiz matapos hagupitin ni Typhoon Yolanda. Nagdatingan doon ang Canadian Medical Team at British Missionaries at tinulungan ang mga Capiznon na naitsa-puwera ng Aquino government at ni DILG secretary Mar Roxas sa relief operations. Walang sinayang na sandali ang mga dayuhan na pagkalooban ng medical attention ang mga nasa evacuation center sa Pilar, Pontevedra, Quartero at Maayon. Nagkaloob din ng 15,000 litro ng malinis na tubig ang UNICEF upang maiwasan ang diarrhea, lagnat at iba’t ibang sakit. Kaya kahit paano’y nakakangiti na sa ngayon ang mga nagpupuyos na kalooban ng mga Capiznon at kabilang diyan si Capiz Vice Governor Stevan Evan “Nonoy†Contreras. Kasi nga kahit na nakaligtaan silang tulungan ng pamahalaan ay may mga mabubuting kalooban ang dumating upang sila’y damayan para makabangon muli.
Hindi lamang medical mission ang pakay ng mga dayuhan sa Capiz, dahil napag-alaman ko na namamahagi rin sila ng masusustansiyang pagkain at tumutulong din sila sa paggawa ng mga nasirang kabahayan. Wow naman mapalad ang mga residenteng mapuntahan ng mga dayuhan dahil imported pa ang kanilang mga karpintero. Hehehe! Kahit papaano’y makakaidlip na si Contreras matapos na mangalumata sa pag-aalala sa kanyang mga kababayan na nagugutom, nauuhaw at nagkasakit matapos malantad sa araw at hamog. Ngunit hindi doon nagtatapos ang panalangin ng mga Capiznon dahil tinugon din ng kapwa nila Ilonggo na galing naman sa Sultan Kudarat ang pangangailangan sa pagkain at man power.
Ilang dump truck na puno ng pagkain ang dala ng mga taga Sultan Kudarat na ipinamudmod sa Bgy. Malag-it at Bailan sa Pontevedra, Bgy. Cogon at Concencia ng Panitan at Bgy. Agbalo ng Panay, Capiz. Ewan ko lang kung kasama sa nabigyan ng relief goods si Pontevedra Mayor Steve “Toto†Contreras na natuklap ang bubong ng bahay. Hehehe! Kasi nga mula nang matapos ang bagyo ay hindi na nagawa pang makauwi ni Mayor Toto Contreras sa sariling niyang bahay sa Pangayawan dahil ang inuna niya ay ang paglilibot sa kanyang mga kasimanwa. Kaya sa ngayon kasama na niya ang mga taga-Sultan Kudarat sa paglilibot at pamamahagi ng tulong. Ngunit may panawagan pa sina Nonoy Stevan at Toto Steve sa mga may busilak na puso na tulungan sila ng kahit kapirasong yero at pako para sa mga nasirang kabahayan ng mahihirap nilang kababayan. Kaya mga kasimanwa, buligan naton sila.