EDITORYAL - Wakas ng anti-dynasty bill?
MAAARI na raw magwakas ang pamamayani ng mga angkan sa pulitika. Matatapos na raw ang pagsasalin ng kapangyarihan sa kadugo at iba pang miyembro ng pamilya.
Ito ay pagkaraang gumalaw ang anti-dynasty bill sa Kongreso noong nakaraang linggo. MaaapruÂbahan na raw. Hindi na raw magtatagal ang paghihintay. Pagkaraan ng 12 taon ngayon lamang nakitaan ng liwanag sa panukalang batas. Kapag nagtuluy-tuloy ito, tapos na ang dynasty ng mga pulitiko. Hindi na uubra ang pagsasalin-salin ng kapangyarihan sa asawa, anak o sa iba pang miyembro ng pamilya. Hindi na puwedeng kumandidato sa anumang elective position ang mga magkakamag-anak.
Nakasaad sa Anti-Political Dynasty of 2013 na hindi maaaring makaupo sa puwesto ang sinumang magkakamag-anak hanggang second degree of consanguinity or affinity. Nakasaad din sa panukalang batas na ang Commission on Election (Comelec) ay may kapangyarihang i-deny ang anumang certificate of candidacy application ng mga magkakamag-anak.
Pero hindi pa raw dapat ganap na magbunyi ang mga nagsusulong sa anti-dynasty bill sapagkat marami pang mangyayari. Dapat daw tandaan, na ang mga mambabatas din ang nag-aapruba nito at maaaring magbago pa ang ihip ng hangin. Sila ang apektado saka-sakali at maipasa ang batas. Mawawala na ang pamamayani ng kanilang paÂmilya. Basta na lang ba nila pakakawalan ang hawak na nilang posisyon. Karamihan sa mga pulitikong maaapektuhan ng anti-dynasty bill ay maraming taon nang namamayagpag. Mabibitawan ba agad nila ang kapangyarihan na nagbigay ng yaman?
May hatid namang maganda o ambag sa anti-dynasty bill ang pagkakadeklara ng Supreme Court noong nakaraang linggo na labag sa Konstitusyon ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel. May epekto ito sa mga tatakbo sa posisyon. Maaaring mawalan ng gana ang mga magkakamag-anak na maupo pa sa puwesto dahil wala nang pork barrel na magbibigay sa kanila ng kasaganaan. Hindi na sila magkakandarapa sa paghalili sa puwestong iniwan ng ama, ina, kapatid, tiyo, tiya o lolo. Sana nga, magwakas na ang dynasty sa maruming pulitika.
- Latest