KULANG ba sa media exposure para sa mga kandidatong tatakbo sa 2016 election ang sinapit ng mga taga-Western Visayas nang hagupitin ni Typhoon Yolanda? Ito ang usap-usapan ng mga biktima ni Yolanda na tumitingala sa langit at umaasang matutulungan sila ng pamahalaang Aquino. Kung sa bagay tanggap na ng mga Capiznon, Aklanon, Antiquenon at Iloilo na malaking pinsala ang tinamo ng Tacloban, Leyte sa Yolanda. Umabot na sa 4,198 ang patay at 18,567 naman ang sugatan, ayon sa NDRRMC subalit hindi pa malinaw kung kasama riyan ang mga namatay sa Capiz, Aklan, Iloilo at Antique. Walang inilalabas ang NDRRMC dahil walang local radio na umi-ere sa Panay Island.
Paano makaka-ere ang mga radio e nagbagsakan ang mga transmitter dahil kay Yolanda maliban sa Iloilo City na daplis lamang ang tama ng bagyo. Kaya sayang ang pa-pogi point ng mga opisyales ng pamahalaang Aquino kung gumala man sila sa apat na lalawigan ng Western Visayas. Kaya ang tulong na inaasam ng mga biktima ni Yolanda ay panaginip na lamang. Wala nang katapat ang media exposure sa Tacloban. Subalit kahit na may kakulangan sa relief goods mula sa pamahalaan ni Aquino napapawi naman ang sama ng loob ng mga taga-Western Visayas nang dumating doon ang humanitarian organizations mula sa iba’t ibang bansa.
Nakakahiya nga lamang dahil kaliwa’t kanan ang interviews at pagkuha ng mga larawan sa kalagayan ng mga kababayan ko. Nakita ang tunay nilang kalagayan at ang epekto ay mapapahiya na naman tayo. Umaabot sa tatlong kilometro ang haba ng pila ng mga sasakyan na may kargang relief goods sa mga pantalan patungong Tacloban subalit sa Western Visayas ay wala. Kaya ang pinagbubuntunan ng inis ng mga taga- Western Visayas ay si DILG secretary Mar Roxas at Senate President Franklin Drilon na kababayan mismo nila. Umiiwas kaya si Roxas na may dugong Capiznon at Senate Pres. Franklin Drilon ng Iloilo City na mapintasan kung tutulungan ang mga ka-lalawigan? Ngunit kung marunong lamang silang lumingon sa mga kababayan tiyak na makikita nila ang paghihirap ng mga taga-Panay, Pontevedra, Lutudlutod, Pilar, Maayon, Dumarao, Quartero, Dumalag, Dao, Sigma, Ivisan at Sapi-ang sa Capiz habang ang Carles, Balasan, Estancia, San Dionisio, Concepcion, Sara, at Ajuy naman sa Iloilo ay talagang gibang-giba ang mga kabahayan at nangangailangan ng kanilang tulong. Abangan!