EDITORYAL - Isalin sa Filipino ang ‘storm surges’

WALANG gaanong nakaintindi sa “storm surges” na inanunsiyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) noong Nobyembre 7 habang papalapit ang Super Typhoon Yolanda sa Kabisayaan. Ano ba itong “storm surges” na sinabi ng PAGASA? Maski ang ilang broadcaster sa radio ay inamin na hindi nila alam kung ano ang “storm surges”. Sabi ng batikang broadcaster na si Ted Failon, kung alam lang daw nila na ang “storm surges” ay pagtaas ng alon, sana ay hindi na sila tumuloy sa hotel na nasa tabing dagat. Umabot sa kanilang hotel ang mataas na tubig makaraang itulak nang napaka-lakas na hangin.

Maski marahil ang ilang taga-PAGASA ay hindi rin pamilyar sa “storm surges” kaya hindi gaanong nakapagbigay ng matinding babala ukol dito. At paano pa nga ang mga karaniwang mamamayan na ngayon lang narinig ang salitang ito. Hindi nila alam ang “storm surges” kaya hindi gaanong binigyan ng pansin. At dahil dito, marami ang nanatili lamang sa kanilang tahanan habang papalapit ang super typhoon. Mayroong lumikas pero hindi rin gaanong nakapaghanda sa kanilang pinagkanlungan kaya nadamay din ng “storm surges”. Nasa 4,000 tao ang namatay sa bagyo at karamihan ay namatay sa pagkalunod at nabagsakan ng mga matitigas na bagay. Marami pang hindi nakikita.

Sa nangyaring ito, dapat nang baguhin ng PAGASA ang kanilang anunsiyo o babala sa “storm surges”. Dapat magkaroon ng akmang translation sa Filipino ang “storm surges” para ganap na maintindihan nang nakararami at nakaiwas. Kung siguro sinabi ng PAGASA na may “buhawi” o “tidal wave” na tatama sa Tacloban at iba pang bayan sa Leyte at Samar, baka nagsilikas lahat ang mga tao. Kapag narinig ang “buhawi” o “tidal wave” ay takot ang nangingibabaw kaya agarang lilisan sa lugar. Baka nga hindi na kailangang pilitin pa ang mga residente na lumikas kundi sila na mismo ang aalis.

Nangyari na ang “storm surges” at maiiwasan na ito marahil sa susunod. Sana makaisip nang angkop na translation sa salitang ito para madaling maintindihan ng karaniwang mamamayan. Bakit hindi gamitin ang “Sigwa” o kaya’y “Daluyong”?

Show comments