Hindi tama ang panahon
NANG mag-umpisa ang linggong nakaraan, halos PDAF-DAP lang ang laman ng balita. Ang naganap sa hearing sa Senado kung saan bida (o kontrabida) si Gng. Jenny Napoles at ang TV address ng Presidente na imbes na makapagbigay linaw ay sa halip naghatid pa ng kalituhan at karagdagang dismaya. Nasundan ito ng ulat na ang pamahalaan ng Hong Kong ay nagpasyang maging mas palaban ang pakitungo sa atin. Dala ito ng desisyon nilang bawiin ang matagal na nang pinakikinabangang visa free entry sa kanilang bansa. Sa gitna ng kainitang ito, dumaÂting sa bansa si Yolanda. At ang lahat ay nakalimutan.
Sa oras ng trahedya at kalamidad, kaligtasan, seguÂridad at kalusugan ang laging uunahin hindi lamang para sa mga mahal sa buhay kung hindi para rin sa lahat ng kapwa Pilipino at kapwa tao. Mismong ang maangas na gobyerno ng Hong Kong ay isa sa mga naunang magpaabot ng pakikiramay at alok ng pagsaklolo. At dapat lang talaga dahil sa buong kasaysayan ng mundo, wala na yatang mas malakas pang bagyong sumalanta sa anumang bansa. Sa karanasan ng Pilipinas, wala na tayong mas masahol pang kalamidad na pinagdaanan.
Nung una’y nagpapasalamat pa tayo sa inakalang mabuting kapalaran dahil wala masyadong napabalitang biktima nang makadaan na ang bagyo. Huli na nang malaman natin na sobra-sobra ang kinawawa ni Yolanda. Maraming eksenang mistulang mapapanood lang sa sine ang unti-unting bumulaga sa atin. At matapos tayo paluhain ng mga imahe ng walang kalaban-laban nating mga kababayan, nasundan ito ng mga imahe ng mga desperadong mga Pilipinong nabubuhay ng walang sinasantong batas.
Sa ganitong pagkakataon, tulad ng pinakita ng pamahalaan ng Hong Kong, wala nang mas mahalaga kaysa pagkapitbisig upang maiahon sa trahedya ang pinaka-maraming matutulungan. Hindi ito okasyon upang pairalin ang pulitika o para magdalawang isip sa paggamit ng kapangyarihang pinapayagan ng batas. Dapat itong isaalang-alang ng mga kinauukulan sa kanilang paghatid nang matagal nang hinihintay na saklolo sa mga nasalanta.
- Latest