ANG Pilipinas ay paboritong dalawin ng bagyo. Maski noong unang panahon pa, laging puntirya nang malalakas na hangin ang bansa. Maski nang dumaong dito sina Ferdinand Magellan, maraming bagyo silang naranasan. Sa katunayan, bago sila nakarating sa Homonhon Island sa Eastern Samar noong Marso 17, 1521, binayo sila nang matinding hangin doon. Ibig sabihin, ang lugar kung saan nanalasa ang Super Typhoon na si Yolanda noong Biyernes ay takaw-bagyo. Palaging may nakaÂambang delubyo sa lugar.
Subalit ang bagyong paparating ay madali nang makita sa radar ngayon. Hindi katulad noong paÂnahon ni Magellan na walang modernong gamit para malaman ang namumuong sama ng panahon sa laot. Noon, ang tanging pinagbabasehan lamang ay ang malikot na galaw ng dagat.
Isang linggo pa bago ang pagpasok ni Yolanda sa Philippine area of responsibility ay nagbabala na ang Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Space Administration (PAGASA) na malakas ang papasok na bagyo. Maski ang satellite ng US na nagta-tract sa sama ng panahon ay nagbigay din ng warning sa posibleng pagtama ng bagyo. Lunes pa lamang ay nagbabala na ang PAGASA na kailangang maghanda ang mga naninirahan nasa mababang lugar at tabing dagat. Noong Miyerkules, naghatid ng mensahe sa telebisyon si President Aquino kaugnay sa bagyong Yolanda. Kailangang lumikas ang mga nasa delikadong lugar. Huwebes, dineklarang Signal No. 4 ang mga probinsiya sa Visayas, na kinabibilangan ng Eastern Samar, Leyte, Cebu, Iloilo, Panay. Sa Metro Manila ay Signal No. 2.
Biyernes ng umaga humagupit si Yolanda. Sa isang radio interview kahapon, sinabi ng isang babae, na nakausap daw niya ang kanyang kapatid sa Tacloban at sinabing mainit daw ang araw sa Tacloban, Leyte ng araw na iyon ng Biyernes kaya hindi lumilikas ang mga ito. At sumunod lamang daw ang kanyang kapatid nang sabihin na Signal No. 4 na sa Tacloban. Ayon sa babaing iniinterbyu, nawalan na sila ng komunikasyon sa kapatid. Hindi na nila alam kung ano ang nangyari sa kapatid at pamilya nito.
Nangyari na ang trahedya at marami na naman ang hindi natuto. Kahit mayroong babala, marami ang nagbabalewala. Kailan nga ba matututo ang marami lalo sa panahon ng kalamidad.