MAHAL na mahal ni Agriculture Sec. Proceso Alcala ang dati niyang congressional aide, si Orlan A. Calayag. Katunayan, nang mag-migrate si Calayag sa America, pinasuwelduhan pa siya ni Alcala sa Kongreso nang dalawang taon. Hindi lang ‘yon, nang pauwiin ni Alcala si Calayag para pamunuan ang National Food Authority, pinasuwelduhan din niya sa gobyerno si Calayag nang anim na buwang «uprooting fee.» Ganito ‘yon:
Nabakante ang pagka-NFA administrator nu’ng Oct. 2012 sa pag-resign ni Lito Banayo. Bilang chairman ng NFA, itinalaga ni Alcala si deputy administrator Ludovico Jarina na O-I-C, hanggang Jan. 21, 2013.
Nu’ng araw din na ‘yon, ipinahalal ni Alcala sa NFA Council si Calayag bilang kasapi. Pormalidad lang ‘yon; nakakuha na si Alcala nu’ng Jan. 17, 2013 ng presidential appointment ni Calayag sa Council, effective July 1, 2012, hanggang June 30, 2013.
Ayon sa presidential appointment, pamalit si Calayag kay Banayo, na aalis pa lang nu’ng Sept. 30, 2012. Naipa-appoint din ni Alcala si Calayag na NFA administrator, pamalit din kay Banayo.
Kauuwi pa lang noon ni Calayag mula America, Dec. 19, 2012. U.S. citizen siya. Sa airport immigration ipinakita niya ang U.S. Passport No. 462971672. Agad nag-apply si Calayag ng dual citizenship, na ipinagkaloob ng gobyerno nu’ng Jan. 7, 2013.
Dahil doon, lumiwanag ang buhay ni Calayag sa serbisÂyo publiko: bilang NFA administrator at Council member, na meron pang anim na buwang back wages, July-Dec. 2012, habang U.S. citizen. Dahil sa dalawang posisyon, chairman din siya ng Food Terminals Inc. at director ng Philippine Fisheries Development Corp.
Pero may sabit. Labag ito sa batas. (Itutuloy bukas)
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com