Pagsubok ang lindol

Hindi natin alam ang plano ng Diyos

sa Kanyang nilikha sa buong sinukob ;

Gaya ng paglindol ginawang pagsubok

sa Bohol at  Cebu na malayong lunsod!

 

Maraming simbahang doo’y mapapansin

mga tao roo’y lubhang madasalin;

Dahil mahal nila ang Poong magaling

sinubok ang tibay ng puso’t damdamin!

 

Malakas na lindol doo’y pinatama

upang sa malayo magsilbing babala;

Tayong nasa Luzon at Metro Maynila

sa trahedyang ito’y dapat nakahanda!

 

Anong malay natin baka dito naman

naisin ng Diyos tayo ay subukan;

Malakas ding lindol tayo’y patamaan

upang subukan din ating katapatan!

 

Sa ngayo’y salanta ang Bohol at Cebu

wasak ang tahanan, tulay at simboryo

Matanda at bata doon ay tuliro –

pagkain at tubig ang hingi ng tao!

 

Tayong nasa Luzon at saka Mindanao

sa nangyaring ito tayo’y makiramay;

Mayama’t mahirap ay dapat magbigay

ng tulong na kaya malaki’t munti man!

 

Sa Makati’t Taguig ang tao’y mapera

may giant gusali’t mga grocery pa;

Mercury Drug at SM kayo’y kumilos na

biyayaan ninyo mga nagdurusa!

Show comments