Todos Los Santos sa maraming sekta ng Kristiyanismo
LAHAT ng pandaigdig na relihiyon ay merong santo. Mananampalataya sila na nagpakita ng kakaibang talino, sigasig, o tapang para maisulong ang salita ng Diyos. May piyesta para sa bawat santo, araw ng kapanganakan o kamatayan, para sariwain ang mga ginawa niya. Sa Kristiyanismo lang merong Todos los Santos, isang araw sa bawat taon para ipagdiwang sila.
Ito’y tuwing Nobyembre 1, anumang araw pumatak, sa mga Catoliko, Eastern Orthodox, Anglicans, Presbyterians, Lutherans, at Methodists. Sa Eastern Orthodox at Coptic Christians, ito’y sa unang Linggo pagkatapos ng Pentekostes, nang bumaba ang Espiritu Santo sa mga Apostoles sa anyo ng dilang apoy.
Sa maraming Kristiyanong Pilipino, naghahalo na ang pagdiwang ng Todos los Santos sa Undas, o paggunita sa mga yumaong kapamilya sa Nobyembre 2. Dahil magkaiba ang probinsiya ng ama at ina, hinahati sa dalawang araw ang pagbisita sa magkaiba ring sementertyo. ‘Yan din ang dahilan kung bakit sa North America, ang Halloween, Okt. 31, araw ng pagbisita umano ng mga kaluluwa sa mundo, kaya nanghihingi ng pagkain sa bahay-bahay, kundi’y mananalbahi.
Sa Eastern Orthodox at Coptics, lumaganap ang pagdiwang ng Todos los Santos nu’ng ika-9 na siglo. Sa panahon ni Byzantine Emperor Leo VI (886-911) namuhay nang napaka-deboto ng asawang si Empress Theophano. Nang pumanaw ang huli, nagtayo si Leo ng katedral para sa kanya, pero pinagbawalan siya ng Pope. Dahil dito, ipina-ngalan na lang ni Leo ang istruktura para sa lahat ng santo.
Nauna rito, pinasinayanan nu’ng taong 609 ni Pope Boniface IV ang Pantheon (orihinal na gusali ng mga pagano) sa pangalan ng Birheng Maria at lahat ng martir.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest