O, ANO ngayon ang masasabi ng China sa naganap na pagragasa at pagsabog ng isang sasakyan sa Tiananmen Square, kung saan lima ang namatay, kasama ang isang Pilipinang doktor? Bukod sa nasawi, ang kanyang asawa at dalawang babaing anak ang nasaktan din sa insidente. Sa ngayon ay pilit kumakalap pa ng impormasyon ang gobyerno sa naganap na insidente, pero tandaan, nasa Beijing, China sila kung saan lahat ng impormasyon ay kailangang ipaalam pa sa gobyerno.
Walang opisyal na pahayag ang China sa insidente, pero may mga ulat na tila isang atake ang pagsabog ng sasakyan. Base na binigay na panayam ni Dr. Nelson Bunyi, ang asawa ng namatay na si Dr. Rizalina Bunyi, sa Los Angeles Times, nakatayo raw sila sa bangketa nang makita ang sasakyan na patungo sa kanila. Hanggang doon na lang ang kanyang naaalala dahil bumulagta na raw siya. Ang plaka ng sasakyan ay galing sa Xinjiang, isang rehiyon kung saan kasalukuyang may tensyon sa pagitan ng mga Uighur na Muslim at mga Tsino. Isa ba itong teroristang pag-atake sa Beijing? Hindi pa malaman at kuntodo na ang pagtakip ng China sa insidente. Kahit sa kanilang mga lokal na balita ay halos hindi nababanggit.
Kaya mas lalong dapat kumilos kaagad ang gobyerno para matulungan ang pamilyang nakaligtas sa insidente, at mauwi na rin ang bangkay ni Dr. Bunyi. Hindi ko matiis mabanggit ang kilos ng China, at ang kilos naman natin sa naganap na hostage-taking sa Quirino. Siguro naman wala silang masasabi na may tinago tayo at nasa TV ang lahat ng pangyayari, at wala ring hinarang o tinagong impormasyon ang gobyerno. At humingi ng paumanhin ang Pangulong Aquino sa pamilya ng mga nasawi, hindi lang sa opisyal na kapasidad dahil hindi naman kailangan. Kaya, hihingi ba ng dispensa ang China sa Pilipinas, o sa pamilya Bunyi sa nangyari? Kung wala silang sinabing isang salita nang mapatay si Emmanuel Madrigal, asawa niyang si Vivian at ang kanilang anak na babae, doon din sa Tiananmen Square noong 2005, siguradong wala rin silang sasabihin dito. Sinaksak ng isang Wang Gongzuo ang mag-asawa’t anak nang pababa sila mula sa isang bus. Ligtas naman ang dalawa pang anak. May nagawa ba ang napaka higpit na pulis nila? Humingi ba ng dispensa ang Beijing sa nangyari? Nagbigay ba sila ng danyos? Hindi! Kaya sana tumahimik na rin ang mga taga-Hong Kong hinggil sa insidente sa Quirino noong 2010. Walang may gusto sa mga nangyaring insidente, at walang masisisi kundi ang mga salarin. Pero tayong mga Pilipino, marunong magpahayag ng kalungkutan sa nangyari. Sa Beijing, wala kang maririnig. Ibang-iba kumpara sa kilos ng Beijing noong 2005, at ngayon.
Gawin na lang ng gobyerno ang lahat para matulungan ang pamilya Bunyi at wala silang makukuha sa pamunuan sa Beijing kundi paghihigpit na may makalabas na impormasyon hinggil sa nangyaring insidente.