Kung merong dapat sisihin kung bakit pasaway ang mga kandidato, iyan ay walang iba kundi ang Commission on Elections (Comelec). Pawang babala ang Comelec. Walang aksiyon laban sa mga lumalabag na kandidato. Noong May 13 elections, nagbabala ang Comelec sa mga kandidato na bawal ang sobrang paggastos sa kampanya. Bawal din ang malalaking campaign materials at dapat sumunod sa tamang sukat. Bawal din ang paglalagay sa kung saan-saan ng mga campaign posters. Dapat ay sa mga designated areas lang ikabit o idikit ang mga tarpaulin at streamers. Ayon sa Comelec, parurusahan ang mga lalabag. Madidiskuwalipika umano ang mga kandidatong hindi susunod sa patakaran ng Comelec.
Anim na buwan na ang nakalilipas mula nang idaos ang election pero hanggang ngayon, wala pang napaparusahan sa mga kandidatong sobra-sobra ang ginastos sa kampanya. Pinaka-malaki ang ginastos sa TV ad. Wala ring naparusahan sa mga malalaking sukat ng campaign posters. Wala ring naparusahan sa mga hindi sumunod sa paglalagay ng posters sa designated campaign areas.
Mayroon pa bang naniniwala sa Comelec? ToÂtoo ba ang kanilang mga banta o nagsasalita lang sila para lang masabi na may ginagawa sila?
Bukas ay barangay election na. Mayroon bang diniskuwalipika ang Comelec sa mga kandidatong sobra-sobra ang laki ng campaign posters? Mayroon bang kinasuhan dahil nagkabit ng tarpaulin sa hindi dapat pagkabitan? Sa aming pagkakaalam ay wala sa kabila na hindi sila sinusunod ng mga kandidato sa barangay.
Bago pa magsimula ang kampanya, marami nang nakadikit na posters sa kung saan-saang lugar. Maski ang mga pader na malapit sa school ay natadtad ng posters. Dikit dito, dikit doon ang ginawa ng mga kandidato. Malalaki ang posters na halatang lampas sa takdang laki. At sa dami ng campaign materials, halatang-halata na sobra-sobra sila sa gastos.
Kailan magkakaroon ng pangil ang Comelec laban sa mga pasaway na kandidato?