Lima ang natalisod na ‘Ma’am Arlene’

IN-EXPOSE ko si “Ma’am Arlene” nung makalawang linggo bilang “Napoles ng Hudikatura.” Tulad siya ni Janet Lim Napoles, ang fixer ng pork barrels ng mga senador, kongresista, at kasabwat na Cabinet secreta-ries at bureaucrats. Si Ma’am Arlene naman, fixer ng mga kaso sa regional trial courts sa Metro Manila at sa Court of Appeals. Nagreregalo siya sa mga mahistrado ng magagarbong signature brands, parties, pambiyahe abroad, panggastos sa conventions, at raffle prizes. Kapalit nito ang mga court decisions na pabor sa kanyang malalaki’t mayayamang kliyente.

Nang mag-imbestiga si Supreme Court Administrator Midas Marquez, tatlong Ma’am Arlene ang natalisod niya. Kumpirmado ang unang Ma’am Arlene, na nakialam sa nakalipas na eleksiyon ng presidente ng Philippine Judges Association nu’ng Okt. 9. Meron pang ibang Ma’am Arlene na clerk sa Court of Appeals, kung saan inaareglo niya ang mga kaso sa mga kaibigang justices. At meron ding Ma’am Erline, na nu’ng opisyal pa sa Malacañang ay nakikialam sa presidential appointments ng mga mahistrado.

Ako naman, sa patuloy na pagsaliksik, ay nakadiskubre ng dalawa pang Ma’am Arlene. ‘Yung isa ay empleyado umano sa Manila courts, kung saan siya nag-iimpluwen-siya ng mga desisyon. ‘Yung pangalawa ay medyo iba ang spelling ng pangalan, “Ma’am Aileen,” na nag-o-operate umano sa mga korte sa southern Metro Manila.

‘Yung pinaka-unang Ma’am Arlene ang pinaka-noto-rious. At tulad niya, meron din dating koneksiyon si Ma’am Erline sa Korte Suprema. Dahil sa koneksiyong ito, at sa dami ng fixers sa Hudikatura, masugid na aabangan ng madla ang imbestigasyon ni SC Justice Marvic Leonen.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

 

Show comments