ANG Philippine National Red Cross ay hindi ahensya ng gobyerno. Ito ay sangay sa Pilipinas ng International Red Cross o Red Crescent sa mga bansang Muslim. Malinaw na ito’y isang non-government organization na pandaigdig na tumutulong lalu na sa panahon ng giyera at kalamidad.
Nililinaw lang natin ito dahil may mga local na opisÂyal hindi nakakaintindi. Gusto nilang obligahin ang Red Cross na ang mga relief goods nito para sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad ay iintrega sa mga lokal na opisyal na siyang gagawa ng distribusyon.
Iyan ang naging situwasyon sa Maribojoc, Bohol nang magtangkang mamahagi ng relief goods ang PNRC. Pinipilit sila ng Mayor na si Leoncio Evasco na i-surrenÂder ng mga Red Cross volunteers ang kanilang dala-dalang relief goods para sa mga local na opisyal ang maÂmahagi sa mga biktima ng kalamidad.
Ano iyan, pang-epal? Sabi ni Velasco ay wala naman siyang rason na umepal dahil last term na niya at hindi na siya tatakbo. Pero possible rin na ibig niyang suportahan ang mga kandidato sa pagka-barangay officials sa kanyang lugar kaya nais niyang sila na lang ang mamahagi ng mga relief items. Hindi tayo nag-aakusa pero may ethical issue ang gustong gawin ng alkalde.
Isa pa, naisin man ng Red Cross na paunlakan ang gusto ng alkalde ay hindi puwede. Mayroong sariling international charter na sinusunod ang Red Cross: Na sa pamamahagi ng relief goods, mga opisyal na kinatawan lamang ng ahensya ang puwedeng magsagawa. Nais tiyakin kasi ng organisasyon na ang mga ipamamahaging tulong ay mapupunta lamang sa mga dapat bigyan nito.
Tama na ang pamumulitika. Saan mang anggulo tingnan ang gulong ito ay isa lang ang tinutumbok: Politika at ang nagdurusa ay yaong mga biktima ng lindol.
Puwede naman siguro na sa pamamahagi ng mga relief goods ng mga Red Cross Volunteers ay may kasamang kinatawan ng local government para walang maraming usapan. Mas ayos siguro iyan dahil ang mga local officials ang makatutukoy sa mga lugar na grabeng sinalanta na dapat hatdan ng tulong. Pero kung ipipilit na local na opisyales ang mamamahagi, mukhang may makasariling motibo. Magpa-pogi.